3,460 total views
Katuwang ng Diocese of Tagbilaran ang Knights of Columbus sa pagtataguyod ng malinis at mapayapang BSKE.
Nagkaisa ang KofC at Tagbilaran Bishop Alberto Uy para tiyakin ang matapat na pagpili ng mga lider sa bawat barangay.
Naniniwala ang grupo na mahalaga ang pagkakaroon ng ‘Clean, Honest, Accurate, Meaningful, and Peaceful (CHAMP Elections) sa mga barangay lalo’t ito ang pangunahing tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.
“Ang Barangay ang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan at ito ang unang nilalapitan ng mga tao para sa serbisyong pampamahalaan. Ang ninanais na matapat na paglilingkod ng pamahalaan ay dapat magsisimula sa mga barangay.” bahagi ng pahayag ng Knights of Columbus ng diyosesis.
Umaapela ang grupo sa mga botante na pahalagahan ang bawat boto at huwag hayaang masayang tulad ng pagbebenta at paghingi ng pabor sa mga kandidato; kilalanin ang mga kumakandidato lalo na ang kanilang plataporma at mga planong gagawin at huwag gamiting pagkakataon ang panahon ng pangangampanya para humingi ng tulong o donasyon sa mga kandidato at iwasan ang pagkakaroon ng utang na loob upang maisabuhay ang malayang pagpili ng mga lider ng komunidad.
Pinaalalahanan naman ang KofC ang mga kandidato na iwasan ang pagbili ng boto; igalang ang kapwa kandidato at iwasan ang pagsasalita ng ikasisira ng dignidad ng kapwa at iwasan ang pagpapalaganap ng fake news.
Itinakda ng Commission on Elections hanggang October 28 ang pangagampanya ng mahigit isang milyong kumandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections para punan ang 42 libong posisyon sa Barangay Captain, SK Chairperson at halos 300-libong Kagawad.
Samantala iniulat ng Comelec na may 361 lugar sa bansa ang isinailalim sa red category dahil sa mga ulat ng karahasan na may kaugnayan sa nalalapit na halalan sa October 30.
Panawagan ng simbahan sa mamamayan na magtulungang isulong ang matapat, malinis at mapayapang halalan sa BSKE 2023.