463 total views
Nababahala ang Philippine General Hospital Chaplaincy sa pagtaas ng baha sa bahagi ng ospital bunsod ng patuloy na epekto ng masamang panahon.
Ayon kay Jesuit priest Fr. Marlito Ocon, Head Chaplain ng PGH, umabot sa lampas-tuhod ang baha sa bahagi ng PGH malapit sa Taft Avenue, kaya ang ilang mga pasyente ay tiniis nang lumusong sa baha para lamang makapasok sa ospital, habang ang iba naman ay hindi na makapasok.
Dagdag pa ng pari na apektado na rin ang loob ng chapel at kumbento dahil sa patuloy na pag-uulan at pagbaha.
“Below the knee sa loob ng PGH. Pero umabot na ‘yung baha sa loob ng chapel at convent namin,” bahagi ng pahayag ni Fr. Ocon sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, bagamat apektado ng pagbaha, patuloy naman ang UP-PGH Chaplaincy sa kanilang pamamahagi ng tulong at suporta sa mga pasyente at ilan pang nasa loob ng ospital.
“Namigay kami ng pagkain sa ER patients and watchers at patuloy lang sa pamimigay ng alcohol at facemasks sa mga pasyente sa loob ng charity wards. Dahil most of them, di sila makalabas para bumili o wala ring pambili,” saad ni Fr. Ocon.
Batay naman sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na nakakaapekto sa malaking bahagi ng Luzon ang bagyong Fabian na namataan sa hilagang bahagi ng bansa sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Habang nagdudulot din ng sama ng panahon sa bansa ang Tropical Depression Cempaka na nasa labas ng PAR at pinalalakas ng hanging Habagat o Southwest Monsoon.