17,959 total views
Naniniwala si Cebu Archbishop Jose Palma na makatutulong ang charismatic groups sa pagpapalago ng pananampalataya ng mamamayan sa tulong at gabay ng Espiritu Santo.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa paghahanda ng Archdiocese of Cebu sa kauna-unahang National Charismatic Leaders Conference sa July 27 at 28 sa IEC Convention Center sa Cebu City.
“Because of the Holy Spirit, we are united, and we work as one community of Jesus’ believers. May we grow in service and communion for the renewal of the church by the power of the Holy Spirit,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Sinabi ni Archbishop Palma na magandang pagkakataon din ang pagtitipon ng charismatic leaders sa bansa lalo’t naghahanda ang simbahang katolika sa Jubilee Year sa 2025 na tinaguriang ‘Pilgrims of Hope’.
Kinilala ng arsobispo ang tungkulin at misyon ng charismatic groups sa pangangalaga sa kawan sa pamamagitan ng iba’t ibang karisma lalo na ang mga grupong naglilingkod sa ibayong dagat na lumilingap sa Overseas Filipino Workers katuwang ang mga chaplainces na pinangangasiwaan ng mga Pilipinong pari.
Tiniyak naman ni CHARIS Philippines National Coordinator at CHARIS Asia-Oceania team member Fe Barino na paiigtingin ng charismatic groups ang pagmimisyon sa kristiyanong pamayanan sa pamamagitan ng biyayang kaloob ng Banal na Espiritu na nagpapanibago sa tao.
“We have witnessed so many people being transformed into charismatic renewal through programs like Life in the Spirit seminars. It is the grace of God through the Holy Spirit that flows and touches everyone’s heart to conversion,” ani Barino.
Tema sa pagtitipon ang ‘You will be my witnesses’ na hango sa Gawa ng mga Apostol kabanata isa talata walo na layong pagtibayin ang charismatic leaders’ para sa synodal mission ng simbahan.
Kabilang sa mga magbibigay panayam sa dalawang araw na pagtitipon sina CHARIS Asia-Oceania Coordinator International Shyane Bennet; CHARIS International Coordinator Commission on Intercession Cyril John; theologian Moses Catan; at CHARIS Asia-Oceania Team Member Raymond Daniel Cruz.
Inaasahan ang 2, 000 delegado mula sa iba’t ibang charimatic groups sa bansa habang pangungunahan nina CHARIS Philippines spiritual director Fr. Bartolome Pastor ang banal na misa sa unang araw habang si Archbishop Palma naman sa huling araw.
Para sa mga nagnanais dumalo may registration fee na P2, 000 para sa conference kit at tanghalian sa dalawang araw na pagpupulong o makipag-ugnayan kay Billy Yap sa numero 0976-349-0031 at 0915-456-2164 para sa karagdagang detalye.