327 total views
Nakikiisa ang grupo ng mga manggagawa sa maraming Filipinong tutol sa panukalang pagpapalit ng Konstitusyon sa Bansa.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Spokesperson Rene Magtubo, bagamat hindi perpekto ang 1987 Constitution, maraming magagandang Probisyon ang napapaloob dito na hindi naipatutupad ng Pamahalaan.
“Kami naniniwala na ang 1987 konstitusyon bagamat hindi perpekto ay maraming magagandang provisions diyan na hindi pa na-implement.” pahayag ni Magtubo sa Radio Veritas.
Sinabi ni Magtubo na nangunguna dito ang paglabag ng maraming Pulitiko sa Bansa sa Anti-Dynasty kung saan halos iisang pamilya ang nakaupo sa iba’t ibang Posisyon sa Pamahalaan.
Dagdag pa ni Magtubo, naisasantabi rin ng pamahalaan ang karapatan ng mga manggagawa sa tamang pasahod, Security of Tenure, Reporma sa lupa at maging ang pag-aari ng mga Filipino sa mga Negosyo sa Bansa.
Iginiit din nitong hindi masosolusyunan ng pagpapalit ng Konstitusyon ang mga umiiral na suliranin sa lipunan tulad ng Mababang Pasahod sa mga manggagawa, Kontraktuwalisasyon at Kawalan ng Oportunidad na makahanap ng trabaho.
“Kaya kami hindi kami solve doon (Federalismo) at nakikiisa kami sa more than 67% ng ating populasyon na tumututol sa sa Federalism, sa halip ay nagmumungkahi kami sa kasalukuyang Administrasyon na tugunan ang pangkabuhayang problema ng mamamayan.” dagdag pa ni Magtubo.
Naunang nagbabala ang ilang mambabatas sa mga nagsusulong ng Federalismo na huwag itong madaliin dahil kailangan ito ng masusing pag-aaral at pagsusuri dahil maaring ito ay makakaapekto hanggang sa susunod na Henerasyon.
Batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, 67% ng mga Filipino ang tutol na mapalitan ang kasalukuyang Unitary Form of Government sa Pilipinas tungo sa Federalismong sistema ng Pamamahala.
Samantala, nanawagan naman si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na bilang isang mabuting mamamayang Kristyano ay dapat na makisangkot at makibahagi ang bawat isa sa mga usaping Panlipunan tulad na lamang ng pagpapalit ng Konstitusyon bilang bahagi ng tungkulin sa isang Malaya at Demokratikong Bansa.