235 total views
Nababahala na ang Filipinos for Life (F4L)s a tumataas na bilang ng mga may HIV lalu na sa kabataan o tinatawag na millennials.
Ayon kay Anthony James Perez ng F4L, alam ng lahat na karaniwan na nakukuha ang virus sa pakikipagtalik–kabilang na ang premarital sex, at pakikipagtalik sa kapwa lalake.
Giit ni Perez, ito ay isang patunay na dapat pang paigtingin ang kampanya, hindi sa pamamahagi ng condom kundi ang pagtuturo sa kabataan ng ‘chastity’ –ang kadalisayan o ang pagpipigil sa tawag ng laman lalo na’t hindi pa kasal at ang pagiging tapat sa asawa.
“Para sa akin, ito ay patunay na kailangan pa nating paigtingin ang pamamahagi hindi ng condoms kundi ng values sa kabataan. Ang edukasyon sa Chastity, o kadalisayan ng puso at ang pag-gamit ng sex sa kasal at ang pagiging tapat sa iyong asawa, ay ang sagot sa lumalalang kaso ng HIV,” ayon kay Perez.
Sinabi pa niya, matagal ng may kampanya ang pamahalaan sa paggamit ng condom subalit hindi pa rin nito nalulutas ang problema sa patuloy na pagdami ng may HIV.
Naniniwala rin ang grupo na dapat maging mabuting ehemplo ang mga nakatatanda sa paggalang sa sakramento ng kasal na aniya’y tutularan din ng mga bata.
Dagdag pa ni Perez: Ang tagal na panahon nang sinasabihan ng gobyerno ang mga kabataan na gumamit ng condom, pero bakit tumataas pa rin ang HIV? Kung walang magsesex sa labas ng kasal, halos walang HIV na maipapasa. Nasa sa ating mga matatanda rin ang susi. If we live chaste lives, young people will follow.
Naniniwala rin si Eric Manalang ng ProLife Philippines, hindi nakatulong sa pagpigil sa pagdami ng kaso ng HIV ang pagkakapasa ng Reproductive Health bill.
Sinabi ni Manalang, dapat ding sisihin dito ang Department of Health dahil sa pamamahagi ng libreng condom.
“HIV victims over 80% men sex with man. Culprit is use of condoms for oral & anal sex. DOH is to blame having failed to require condom biz to give high risk usage especially millennials,” ayon kay Manalang.
Base sa ulat ng DOH sa buwan ng Abril, 629 katao ang naitalang kaso ng HIV. Walumpung porsiyento sa mga ito o 513 ay pawang nasa edad 15 hanggang 34 o ang sinasabing edad ng mga millennials. Kalahati rin ng nasabing bilang ay nahawa dulot ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki.
Sa buwan lamang ng Hunyo, 17 katao ang nasawi sanhi ng HIV related complication o kabuuang 172 na nasawi para sa taong 2017.
Una na ring nanindigan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na ang mabisang paraan para hindi kumalat ang sakit ay sa pamamagitan ng abstinence- pagiging tapat sa asawa at hindi pakikipagtalik sa hindi asawa sa halip na paggamit ng condom na hindi rin nagbibigay ng 100 porsiyentong proteksyon laban sa virus.