99,098 total views
Sa Pilipinas, kapanalig, ang child care ay synonymous o kasingkahulugan ng ina. Pero 2024 na, dapat bang si nanay lamang ang may responsibilidad sa pag-aaruga ng anak?
Kapanalig, nag-iiba na ang panahon natin ngayon. Kung dati, lalaki lamang ang kasama sa work force ng bayan at ang mga ina ay naiiwan sa bahay para mag-alaga ng anak at tahanan, iba na ngayon. Pareho ng nagtatrabaho si Mister at Misis para sa pamilya. Kailangan na kasi para sa kabuhayan ng pamilya. Pero sino ang nag-aalaga ng kanilang mga anak?
Sa ibang mga pamilya, maswerte kapag laging available ang mga lola, tita, at mga nakakatandang kapatid para alagaan ang mga baby ng tahanan. Kadalasan, mga babae din ang mga nag-aalaga sa kanila. Kapag wala, karaniwang si nanay ang manatili sa bahay. Walang choice ang pamilya, kahit gipit na gipit na sila at kailangan ng second income.
Sa mga ganitong pagkakataon, maganda sanang isabuhay ang kasabihan na it takes a village to raise a child. Kailangan nating masiguro ang maayos na pagpapalaki sa mga bata ng ating bayan. Kaya lamang, kung kulang na kulang na ang sweldo ng isang kabahayan, gutom ang bata, kahit nandyan pa ang ina.
Sa puntong ito mahalaga ang suporta ng pamahalaan. Sa ibang bansa, ang child care services ay binibigay ng pribado at publikong sektor. May mga choices ang mga pamilya kung saan nila pwedeng iparuga ang bata habang sila ay nagtatrabaho. May mga kumpanya na may sariling child care services din para ang kanilang mga manggagawa ay kampante na ang kanilang mga anak ay nasa mabuting kamay at malapit lang sa kanila. May mga public day care services din sa iba na pwedeng magamit ng mga pamilya.
Napakahalaga ng mga ganitong serbisyo dahil hindi lamang ito nagbibigay daan para sa mga magulang na makapaghanap-buhay, nagbibigay din ito ng mga oportunidad para sa masiglang paglaki at pag-unlad ng mga kabataan. Hinahasa nito ang socialization skills ng mga bata at inihahanda sila para sa pormal na edukasyon. Kung may sapat na pondo sana ang mga barangay natin, maaring magawa din natin ito.
Ang kawalan ng child care services ay isa sa mga dahilan kung bakit ang bagal ng usad ng female labor participation rate sa bansa. Ayon sa pag-aaral ng NEDA, ang mga may asawa o partner ay mas hindi nakikilahok sa labor force kumpara sa mga single. Target ng pamahalaan na maitaas ang labor participation rate ng mga kababaihan, na nasa mga 50% lamang.
Ang child care services ay maaaring maging tugon dito. Ang mga ganitong serbisyo ay dapat nating inilalaan para sa mga pamilya dahil sabi nga sa Pacem in Terris, most careful provision must be made for the family both in economic and social matters as well as in those which are of a cultural and moral nature so that it can carry out its function.
Sana ay makapaglunsad tayo ng tunay na child care services sa mga barangay ng ating bansa na pinapatakbo ng mga skilled at licensed child care service providers. It ay magiging daan para sa mga kababaihan na maging mas produktibo sa kanilang mga trabaho nang hindi nag-aalala sa kalagayan ng kanilang mga anak. Ito rin ay nagbibigay ng kapanatagan at saya sa mga bata habang ang kanilang mga magulang ay nasa trabaho. Maglaan sana ng pondo at programa para sa child care services ang ating pamahalaan, hindi lamang bilang tulong sa mga pamilya, kundi para sa ating ekonomiya. Ang kababaihan ay malaking untapped resource ng bansa, at kung tutulungan natin silang maabot ang kanilang potensyal, lahat tayo ay makikinabang.
Sumainyo ang Katotohanan.