463 total views
Marami pa ring mga bata sa ating bayan ang walang choice kundi magtrabaho sa napaka-murang edad.
Ayon nga sa datos ng Philippine Statistics Office, sa 31.17 milyong mga bata may edad 5 to 7 year old sa ating bayan, mga 872,000 or halos 3% ang nagtatrabaho. Malaking bawas na ito, kapanalig, mula sa mga datos noong mga nakaraang taon kung saan lampas pa sa isang milyon ang kanilang bilang.
Ngayong kapaskuhan, mas visible o kita sa ating mga lansangan ang mga child workers. Marami sa kanila, street vendors na o pulubi. Ngunit may mga batang nagtatrabaho na hindi natin nakikita o nabibilang. But they exist, kapanalig, at kailangan silang matulungan ng lipunan. Dahil sa kahirapan, marami sa kanila ay walang choice kundi magtrabaho kahit mahirap, kahit mapanganib.
Ayon sa isang report mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), maraming mga bata ang nagtatrabaho sa mga sugarcane plantations at rice fields sa Luzon, bilang mga vendors, tricycle drivers at taga carwash sa Cavite, mga basurero sa Caloocan, o taga-gawa ng tsinelas sa Laguna. Marami ring mga bata mula sa mga lugar na nahagupit ng bagyo ang naging kasambahay. Tinatayang mga 50,000 na mga kasambahay ngayon ay mga minors.
Ayon nga sa report, maraming mga bata sa Pilipinas ang napupunta sa masamang uri ng child labor, gaya ng sexual exploitation, human slavery, pati na sa armed conflict. Marami rin ang mga batang nagtatrabaho sa mga mapanganib na lugar, gaya sa mga minahan o kaya mga fireworks factory.
Kapanalig, hindi ba’t may kasabihan tayo na ang kapaskuhan ay para sa mga bata? Sa ngayong pasko, atin naman bigyang atensyong ang sitwasyon ng ating mga kabataan na nasasadlak sa mapanganib na trabaho. Sa murang edad, marami ng mga kabataang Filipino ang napipilitang magbuwis buhay para lamang sa survival ng pamilya.
Ang mga ganitong isyu sana ang unang hinaharap ng ating mga pinuno. Ang mga ganitong hamon sa ating lipunan ang dapat nating bigyan ng prayoridad. Ang kahirapan ng mga pamilya sa ating bansa ay nagtutulak na sa ating mga kabataan sa peligro.
Ayon sa Rerum Novarum: Great care should be taken not to place children in workshops and factories until their bodies and minds are sufficiently developed. Ninanakaw nito ang karapatan nila maging bata. Ninanakaw din nito ang kinabukasan ng bansa. Sabi nga ni Pope Francis: Child labor robs humanity of its future.
Sumainyo ang Katotohanan.