1,858 total views
Ilang taon ng numero uno ang Pilipinas bilang source ng child pornography sa buong mundo? Hindi na ba ligtas ang mga bata sa ating bayan? Nasa panganib na rin ba sila kahit pa sa loob ng kanilang tahanan pati sa kamay ng kanilang mga magulang?
Ayon sa National Study on Online Sexual Abuse and Exploitation of Children in the Philippines, ang Pilipinas ay umuusbong na sentro ng produksyon ng child sex abuse materials sa buong mundo. 80% ng mga batang Filipino ang bulnerable dito, at mismong mga magulang pa ng mga bata ang nangunguna pa minsan dito.
Kapanalig, ang mga kabataang biktima ng krimen na ito ay ay kadalasang nililinlang o pinipilit na makilahok sa sexual exploitation sa mga lugar na karaniwang dapat ay ligtas sila – sa mga tahanan at minsan sa sa pamayanan at eskwelahan pa. Ang karumal-dumal na gawain na ito ay pinapakita at dinis-distribute online para sa pera.
May mga magulang na naniniwala na kapag hindi naman nahahawakan ang mga bata, wala namang masamang nangyayari sa kanila. Video lang naman daw o litrato ito. May mga magulang na nagsasabi na marami na rin naman ang gumagawa nito. Malaking tulong din daw para sa kanila ang kita mula sa gawain na ito. Sa dami ng gumagawa ng mga materyal na ito, lumobo pa ang bilang – 3.1 million ang child pornography materials sa bansa noong 2021 mula sa 1.3 million noong 2020.
Ano pa bang hinihintay ng ating bansa at bakit natin hinahayaang mas lumalala pa ang sitwasyon bago tayo magsikilos? Ilang bata pa ba ang ma-e-exploit sa ganitong krimen bago natin bigyang pangil ang batas laban sa child pornography?
Kapanalig, ang problemang ito ay hindi lamang isyu ng kapulisan, o ng Office of Cybercrime, o DSWD, o ng NBI. Ito ay isyung panlipunan. Anong uring lipunan meron ang ating bansa ngayon kung saan ang mga nakakatanda mismo, ang mga magulang mismo, ang nangunguna sa pag-e-exploit at pang-a-abuso ng kanilang mga anak dahil sa kahirapan?
Marami tayong mga aral na mapupulot mula sa Pornography and Violence in the Communications Media: A Pastoral Response mula sa Pontifical Council for Social Communications. Ayon dito, ilan sa mga rason ng paglipana ng pornograpiya ay dahil sa kita mula rito, sa kawalan o sa inepektibong batas, at dahil sa apathy o sa kawalan ng pakialam ng marami sa atin dahil pakiramdam natin ay hindi tayo apektado nito.
Kapanalig, kailangan makita ng lipunan ang na ang child pornography ay “evil” – ito ay masama, ito ay makasalanan, ito ay nakakapinsala sa lipunan. Kailangan natin pigilan ang kasamaan na ito hindi lamang mula sa supply side o source, kundi sa demand side o sa mga customers nito. Bakit ang biktima ang laging napapahiya, hindi ang mga perpetrators nito at gumagamit ng mga materyales nito? Kapanalig, ang kabuktutan na ito ay kailangang iwaksi na sa ating bayan. Ang kahirapan ay hindi rason upang ating ibenta na parang karne ang ating mga kabataan.
Sumainyo ang Katotohanan.