175 total views
Ikinagalak ni CBCP Episcopal Commission on Youth Chairman Abra Bishop Leopoldo Jaucian ang paglagda ni Pangulong Benigno Aquino III sa Republic Act 10821 o Children’s Emergency Relief and Protection Act.
Ang batas na ito ay naglalayong mabigyan ng kumprehensibong plano at proteksyon ang mga kabataan na nagiging biktima ng mga kalamidad lalo na’t isa ang Pilipinas sa mga bansa na pinakanakakaranas nito.
Para kay Bishop Jaucian, malaking tulong ang maidudulot ng nasabing batas para mabigyang pansin ang mga bata na apektado ng mga dumarating na kalamidad sa bansa dahil sila ang nalalagay sa peligro at nawawalan ng magandang kinabukasan.
Aniya, ang mga bata ay maituturing na isa sa mga pinaka dapat bigyan pansin na miyembro ng pamilya tuwing nagkakaroon ng kalamidad sapagkat hindi pa sapat ang kanilang kakayanan para ipagtanggol ang kanilang mga sarili mula sa sakuna.
“Kasi karamihan lalong-lalo na ang mga bata sila ang mahihinang miyembro ng pamilya na talagang nangangailangan ng tulong, na higit na pagtuunan natin ng pansin, sa tingin ko malaking tulong ito lalo na sa mga kabataan.” pahayag ni Bishop Jaucian sa panayam ng Radio Veritas.
Unang nauprabahan ang R.A 10821 sa Senado noong buwan ng Pebrero.
Umaasa si Bishop Jaucian na sa pagkakaroon ng bagong administrasyon ay mabigyan pansin ang bagong batas at maging epektibo lalo na’t papasok na ang panahon ng tag-ulan.
“Sana maipagpatuloy ito lalo na ang pangangalaga sa karapatan ng mga bata, lalo na ang pagtulong sa kanila”dagdag pa ng Obispo ng Bangued, Abra.
Batay sa datos ng Save the Children Philippines, umaabot sa 1.3 milyong kabataan ang naapektuhan ng iba’t-ibang kalamidad noong taong 2015.