245 total views
Bagama’t hindi maaring gamiting batayan bilang pag-aari ang pagpapangalan sa limang undersea features ng China, nangangamba naman ang isang eksperto na gamitin din itong dahilan ng China para magkaroon ng special rights at privilege sa Pilipinas kaugnay sa Benham Rise.
Ito ang paglilinaw ni Professor Jay Batongbacal, Director ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea.
“Maari nilang gamitin ang discovery na iyon bilang dahilan para humingi ng special rights or privileges from the Philippines parang additional argument na pressure tayo na bigyan sila, kilalanin ang kanilang preemptive rights ika nga dahil nauna sila,” ayon kay Batongbacal.
Ayon kay Batongbacal, bagama’t taong 2012 nang mapalunan ng Pilipinas ang pag-aari sa Benham Rise ay hindi naman umalma ang bansa sa pagpapangalan ng Chinese researchers sa ilang bahagi ng Benham Rise.
Ang Benham Rise ay hango sa pangalan ng isang US Navy Admiral noong 19th century at pinangalanang Philippine Rise noong nakalipas na taong 2017.
Ayon kay Batongbacal, hindi dapat maging kampante ang pamahalaan sa ginagawang pagpapangalan ng China na maaring gamitin laban sa Pilipinas para sa anumang interes lalut ang mga research team ng China ay may kaugnayan sa pagmimina.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang usapin ng China at Pilipinas sa West Philippines Sea sa kabila na rin ng desisyon ng United Nations Convention on Law of the Sea na ito ay bahagi ng Pilipinas.
Sa usaping ito, una na ring nanawagan ng panalangin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines para sa maayos na resolusyon sa mga pinag-aagawang territoryo at ang patuloy na pangangalaga sa mga isla at maging sa yamang dagat.