1,701 total views
Nanawagan ang Commission on Human Rights sa mga ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na higit na pag-ibayuhin ang pagpapatupad ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.
Naalarma ang CHR kaugnay sa magkakahiwalay na serye ng karahasan na may kaugnayan sa nakatakdang BSKE sa bansa.
Ayon sa CHR, mahalaga ang pagpapatupad ng mga preventive mechanisms at pagiging alerto lalo’t higit sa mga hotspots area upang maiwasan ang mga katulad na insidente ng karahasan laban sa mga kasalukuyang opisyal at tatakbong kandidato sa papalapit na halalang pambarangay.
“We call on the government and local authorities concerned to ensure the swift delivery of justice. Preventive mechanisms and heightened alertness are also expected to prevent similar incidents of violence and attacks, especially in hotspot areas.” Ang bahagi ng pahayag ng CHR.
Ibinahagi ng kumisyon ang isinasagawang independent motu proprio investigations sa mga kaso ng karahasan na may kaugnayan sa halalang pambarangay upang mabigyan ng katarungan ang sinapit ng mga biktima at kanilang mga pamilya.
Iginiit ng CHR na mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan partikular na ng Commission on Elections at Philippine National Police upang matiyak ang pagkakaroon ng kapayapaan at kaayusan sa halalang pambarangay.
Ayon sa kumisyon, “CHR is already conducting independent motu proprio investigations into these incidents to ensure justice for the victims and their families. We also note the recent actions of the Philippine National Police to collaborate with the Commission on Elections and relevant government agencies and security forces to address these cases of election-related violence.”
Ipinaliwanag ng kumisyon na may negatibong epekto sa demokrasya at kalayaan sa pagboto ng mamamayang Pilipino ang patuloy na mga kaso ng karahasang may kaugnay sa nakatakdang halalang pambarangay dahil sa takot na maaring idulot nito para sa mga botante.
Bukod dito, nagdudulot din ng takot ang mga serye ng karahasan para sa mga nagnanais na maglingkod sa barangay na dahilan upang mabawasan ang representasyon at mapagpipilian ng mga botante na mga karapat-dapat na mamuno sa pamayanan.
“These cases manifest the rising numbers of election-related violence as the 2023 barangay and SK elections approach. Continued occurrences of violence against electoral candidates undermines the electoral process and negatively impacts our democracy. The culture of fear it creates can impair the people’s right to make free and empowered decisions. It also deprives them of options for representation that could improve their life and their community.” Dagdag pa ng CHR.
Kasabay ng pagsisimula ng election period para sa Barangay at SK Elections noong ika-28 ng Agosto, 2023 ay ipinatupad na rin ang Gun Ban na magtatagal hanggang sa ika-29 ng Nobyembre, 2023 kung saan una na ding isinailalim ng COMELEC at PNP sa mahigpit na pagbabantay ang 28 mga barangay sa Central Visayas dahil sa pagiging election hotspot ng mga naturang lugar.
Nasasaad sa panlipunang turo ng Simbahang Katolika na ang pagkakaroon ng maayos, matapat at mapayapang proseso ng halalan ay unang hakbang sa pagsusulong ng matatag na demokrasya sa bansa dahil sa pagkakaroon ng kalayaan ng bawat isa na maghalal ng mga karapat-dapat na mga pinuno ng bansa.