248 total views
Nagpahayag ng pagkabahala ang Commission on Human Rights sa panibagong pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung saan binalaan nito ang mga drug users at pushers na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan kung ayaw nilang mamatay.
Ayon kay Atty. Jacqueline Ann C. de Guia, tagapag-salita ng C-H-R, ang naturang pahayag ng Pangulo ay maaaring makaapekto sa “Right to Liberty” o kalayaan ng mga mamamayaan na mamuhay ng malaya sa ating bansa.
Paglilinaw naman ni Atty. De Guia, buo ang suporta ng C-H-R sa layunin ng kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga, ngunit nararapat pa rin ipatupad ng mga otoridad ang rule of law at due process sa lahat ng uri ng kaso upang mapanatili ang paggalang sa karapatang pantao ng bawat mamamayang Filipino.
“We support the drug campaign being launch by the government but we of course want the government to stay within the bounds of law and in his latest statement of course again the Right to Liberty is at for and we are also very much again would like to emphasize that the Right to Liberty may only be broken only upon conviction or upon determination of guilt beyond reasonable doubt…” pahayag ni de Guia sa panayam sa Radio Veritas.
Ginawa ng Pangulong Duterte, ang pahayag at banta matapos na matuklasang aabot sa 216-bilyong piso ang industriya ng illegal na droga sa bansa kada taon kung saan nasa 200-piso kada araw ang tinatayang ginagastos ng nasa 3-milyong drug-addicts na hindi magkakasya sa 400 kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology sa buong bansa.
Dahil dito, giit ni Atty. De Guia napakahalagang tutukan ng pamahalaan ang pagkakaloob ng mga naaangkop na detention facilities na makatutulong upang matulungan ang mga drug surrenderers na muling makapagbagong buhay mula sa kanilang adiksyon sa ipinagbabawal na gamot.
Sa tala sa buong bansa, nasa 44 lamang ang bilang ng rehabilitation center ng pamahalaan habang dadalawa lamang ang kabilang sa DOH Accredited Treatment and Rehabilitation Centers ng Dangerous Drugs Board na pinamamahalaan ng religious congregations ng Simbahang Katolika.