435 total views
Nagpahayag ng pakikibahagi ang Commission on Human Rights (CHR) sa paggunita ng National Indigenous Peoples Month at sa ika-24 na anibersaryo ng paglagda sa Indigenous People’s Rights Act (IPRA).
Ayon kay CHR Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana na nangangasiwa sa Focal Commission on Indigenous People’s Rights, kaisa ng buong bansa ang kumisyon sa patuloy na pagsusulong sa dignidad at mga karapatan ng mga katutubo sa buong bansa.
“The Commission on Human Rights (CHR) joins the entire Filipino nation in commemoration of the National Indigenous Peoples Month and the 24th year anniversary of the signing of the Indigenous People’s Rights Act (IPRA).” pahayag ni Pimentel-Gana.
Binigyang diin ng opisyal na marami pa ring mga kinahaharap na suliranin ang mga katutubo sa buong bansa na dapat masolusyunan kabilang na ang pagkakaloob ng basic social services tulad ng health care lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Pagbabahagi pa ni Gana, kinakailangan rin ng mga katutubo ang patuloy na suporta at legal na representasyon sa patuloy na suliranin sa pagkamkam ng ilang mga pribadong indibidwal at kumpanya sa kanilang lupang ninuno.
Iginiit ng kumisyon na mahalagang higit pang paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang pagtugon sa pangangailangan ng mga katutubo lalo na ngayong pandemya.
“Based on CHR experience, access to basic social services like health care and land-related harassments remains to be the main problem facing indigenous communities during this pandemic. Hence, we continue to call for the protection of indigenous minorities, especially children caught in conflict and those communities subject to land-grabbing. We urge local government units to do their utmost to ensure that health care and vaccines remain accessible to indigenous communities.” Dagdag pa ng CHR Commissioner
Umaasa naman ang komisyon na sa ika-24 na anibersaryo ng paglagda sa Indigenous People’s Rights Act (IPRA) na may temang “IPRA @ 24: Ang Paglalakbay ng mga Katutubong Mamamayan para sa Tunay na Pagkilala, Paggalang, at Sariling Pamamahala” ay higit pang mamulat ang bawat isa sa tunay na kalagayan at sitwasyon ng mga katutubong humaharap sa iba’t ibang uri ng karahasan at pagmamalupit.
Ginugunita sa bansa ang Buwan ng Katutubong Pilipino tuwing Oktubre sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 1906 na nilagdaan noong 2009 na naglalayong mabigyang pagkilala at proteksyon ang karapatan at mga pangangailangan ng mga Indigenous Cultural Communities at mga Indigenous Peoples sa bansa.
Tema ng National Indigenous Peoples (IP) Month ngayong taon ang “Katutubong Filipino: Atin ang Tagumpay!”.
Nasasaad sa encyclical ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si ang pagbibigay diin sa malaking pagpapahalaga sa mga katutubo na kalikasan.
Sa tala nasa 14 hanggang 17 milyon ang populasyon ng mga Indigenous Peoples sa bansa na halos karamihan o 61-porsyento ay nasa Mindanao.