554 total views
Tiniyak ng Opus Dei Philippines ang patuloy na pagpapalawak ng kanilang gawain sa pagpayabong ng pananampalatayang Kristiyano.
Ayon kay Opus Dei Regional Vicar Monsignor Carlos Estrada, pangunahing gawain ng grupo ang paghuhubog sa mananampalataya upang higit na maunawaan ang pagiging Kristiyano.
“The main task of Opus Dei is to give formation, Christian formation and all of this in different aspects; to impart the christian message para sa ganun ang ating pananampalataya at ang ating pananalig ay makikita sa pangkaraniwang gawain,” pahayag ni Msgr. Estrada sa panayam ng Radio Veritas.
Tinuran ng pari ang ninanais ni San Jose Maria Escriva, tagapagtatag ng Personal Prelature of Opus Dei na magiging banal ang lahat anuman ang kalagayan nito sa lipunan.
Naniniwala ang santo na bawat isa ay may kakayahang mamuhay sa kabanalan sa pamamagitan ng pang-araw-araw na gawain sa kani-kanilang larangan.
Batid ni Msgr. Estrada ang kahinaan ng tao subalit iginiit na bawat isa ay binigyan ng pagkakataon na tupdin ang kalooban ng Diyos.
“By carrying out your duties well for the love of God through the life of prayer and the sacraments one can achieve holiness here in this world,” ani Msgr. Estrada.
Sa Misang ginanap sa Manila Cathedral nitong June 27 para sa kapistahan ni St. Jose Maria Escriva ikigalak ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang biyaya ng pagmimisyon ng Opus Dei na isinasabuhay ang mga halimbawa ng santo.
“We come with hearts filled with gratitude and joy this evening to celebrate the memory and the teaching of this great saint who has shown us a way of sanctification in the modern world,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Pinasalamatan din ng nuncio ang Opus Dei na nagsusumikap palaganapin ang kawanggawa at pagmimisyon sa iba’t ibang dako ng daigdig upang abutin lalo na ang mahihirap sa lipunan.
Ayon sa datos ng Opus Dei Philippines nasa 3, 000 ang mga kasapi nito buhat ng magsimula ang apostolic work sa Pilipinas noong 1964.
Binigyang diin naman ni Msgr. Estrada na bukas para sa lahat ng mananampalataya ang iba’t ibang programa ng institusyon.
“Anybody who wishes to enrich their spiritual life are most welcome in all of this different activities sa iba’t ibang mga centers ng Opus Dei mayroong mga spiritual activities to enhance spiritual life,” giit ni Msgr. Estrada.