353 total views
Ang Salita ng Diyos ang isang salik na nagbibigkis sa mga Kristiyano at sa iba’t- ibang mga denominasyon.
Ito ang ibinahagi ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa kanyang Pastoral Visit On-Air sa Radyo Veritas.
Ayon sa Obispo na isa ring kasapi ng Episcopal Commission for the Biblical Apostolate (ECBA) ng CBCP, isang Ecumenical Bible Festival ang isasagawa sa ika-23 hanggang ika-25 ng Enero kung saan nagkaisa ang mga kasapi ng Philippine Bible Society para sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.
Ipinaliwanag ni Bishop David na layunin din ng nakatakdang Ecumenical Bible Festival na ipamalas ang Salita ng Diyos sa pagkakaroon ng Christian unity kung saan bukod sa mga Katoliko kabilang din sa magaganap na Bible Festival ang mga Protestants, Evangelilcal, Methodist at Independent Church.
“Magkakaroon ng isang Bible Festival at ang Bible Festival na ito ay magaganap sa January 23, 24 and 25 ito is in partnership which is an Ecumenical endeavor with our partners in the Philippine Bible Society. Merong Protestants diyan, Evangelilcal, may Methodist, may Independent Church kasi ang Salita ng Diyos isa sa mga factors for Christian unity. Diba kasi-celebrate lang natin ng Taon ng Ecumenism and Interreligious Dialogue sana masustain natin ito at ang nagsusustain nito sa Ecumenism in particular ay ang Salita ng Diyos.” pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ng Obispo na may tatlong tema na tatalakayin sa tatlong araw na Ecumenical Bible Festival.
Sa unang araw ika-23 ng Enero ay tatalakayin ang The Healing Power of the Word of God na susundan naman ito ng pagtalakay sa The Uniting Power of the Word of God sa ika-24 ng Enero at magtatapos sa talakayan ng The Transforming Power of the Word of God para sa huling araw ng Ecumenical Bible Festival.
Pangungunahan ni Bishop David ang talakayan para sa ikalawang araw na nataon rin sa mismong paggunita ng Sunday of the Word of God kung saan inaasahan ng Obispo na magsilbi itong daan upang higit na mabuksan ang kamalayan ng bawat isa sa kahalagahan ng Salita ng Diyos na nag-uugnay sa bawat isa.
“Sana maging okasyon ito para sa atin para makita natin how the Word of God is bringing us together kasama yung mga kapatid natin, mga kapwa Kristiyano natin who are not necessarily of the Roman Catholic Church…” Dagdag pa ni Bishop David.