396 total views
Ang Pasko ay nakaka – antig sa bawat damdamin ng mga Pilipino dahil ang malakas na dating na drama ng Pasko para sa atin ay ang ‘panunuluyan.’ Dahil ang Pasko ay tungkol sa ‘panunuluyan’ na pagtanggap sa Diyos na nakikipanuluyan sa piling ng mga tao.
Kaya lang madaling tanggapin ang Diyos kung sa pagdating niya ay mukha siyang Diyos. Ito nga yung mahirap, ito yung kabalintunaan ng Pasko. Madalas tayong dalawin ng Diyos ngunit sa anyo rin ng ating kapwa – tao lalo na ng mga aba at dukha. Hindi ba iyon ang nakasulat sa Mateo 25, anuman ang ginawa mo para sa mga pinaka – abang kapatid mo yun ang ginawa mo para sa akin.
Kaya sa Pasko ang dasal ko sana matauhan ang lahat ng nagsasabing dapat ng puksain at patayin ang mga adik marami sa kanila ay nagkakaganyan dahil may sakit sila o nasa karukhaan. Sayang naman, masaklap ng malaman na ang Diyos pala ang pinagsasarhan natin ng pinto. Oo pinapaslang. O sinisentensiyahan muli sa Krus. Huwag nating hayaang pagsarhan ng pinto ang Diyos na nakikipanuluyan sa ating piling.
Ito nga ang aking hiling at nais kong batiin ang lahat ng taga – pakinig ng Radyo Veritas ng Maligayang Pasko!