577 total views
Patatagin ng Simbahang Katolika at administrasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kooperasyon, pakikipag-ugnayan at pagtutulungan para sa “common good” ng mamamayang Pilipino.
Upang maisakatuparan ang “Church and State collaboration” ay itinakda ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs, Office of the President at Department of Interior and Local Government o DILG ang 2-day convention.
Nakatakda ang pagtitipon sa ika-19 hanggang ika-20 ng Setyembre, 2022 sa Diamond Hotel, Roxas Boulevard na dadaluhan ng mga opisyal ng pamahalaan at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) bilang pangunahing tagapagsalita at panauhing pandangal.
Pangungunahan ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista – chairman ng kumisyon at Rev. Fr. Jerome Secillano – executive secretary ng kumisyon ang pagbubukas ng pagtitipon.
Kabilang sa mga tatalakayin sa 2-day convention ay ang mga turo ng Simbahan sa ilalim ng Second Plenary Council of the Philippines (PCP II) at ang mahalagang papel na ginagampanan ng CBCP Commission on Public Affairs sa mga usaping nagaganap sa lipunan.
Tampok sa unang araw ng pagpupulong si Executive Secretary Atty. Victor Rodriguez na tatalakayin ang paksang “The Church and Marcos’ Presidency: Ways to Move Forward”.
Sa ikalawang araw ng pagpupulong ay tatalakayin naman ni Dr. Jose Mario Maximiano ang paksang “Planning and Prioritization in Crisis in the Philippines’ Socio-political context”.
Pangungunahan naman ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang pagtalakay sa paksang “Church and State Collaboration and Conscientious Engagement in serving the Nation”.
Si CBCP President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang mangunguna sa closing mass para sa 2-day convention ng CBCP Commission on Public Affairs.