236 total views
Tiniyak ng health care commission ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang patuloy na pakikipagtulungan sa pamahalaan upang matugunan ang umiiral na coronavirus pandemic.
Ito ang sinabi ni Fr. Dan Cancino, MI, executive secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Health Care kaugnay sa pamamahagi ng bakuna sa mamamayan bilang karagdagang proteksyon laban sa virus.
Ayon sa pari, marami pa rin ang nagdadalawang-isip o tumatangging magpabakuna dahil walang tiwala sa epekto o nangangambang mahawaan ng sakit.
“Nakikilahok pa rin ang simbahan para sa pagpapalaganap ng COVID-19 vaccination lalong-lalo na sa mga areas na mababa ang ating vaccination accomplishments. Ito ay base na rin sa datos at accomplishments ng iba’t ibang local government units,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Layunin ng simbahan ang pagsasagawa ng information dissemination sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan at mga parokya upang isulong at ipabatid sa publiko ang magandang maidudulot ng COVID-19 vaccine.
Gayundin ang pagiging bukas ng mga simbahan sa pagpapahiram ng mga pasilidad upang magsilbing vaccination area.
“Priority ng Health Care Commission una, ang pagpapalaganap ng confidence at pagpapababa ng hesitancy sa COVID-19 vaccination. Pangalawa naman ay ang pag-o-open natin ng ating mga espasyo sa simbahan para maka-avail ang ating mga kababayan sa COVID-19 vaccination,” ayon kay Fr. Cancino.
Batay sa tala ng Department of Health, umabot na sa humigit kumulang 160-milyong indibidwal ang nakatanggap na ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Sa bilang, 70-milyong indibidwal ang nakatanggap na ng unang dose at higit-72-milyon naman ang natanggap na ang 2nd dose o kumpleto na sa bakuna.
Habang nasa halos 18-milyon na ang nakatanggap ng booster dose bilang karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.