316 total views
August 15, 2020-11:50am
Kinondena ng Church People-Workers Solidarity ang patuloy na karahasan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Duterte.
Ayon kay Church People-Workers Solidarity chairperson San Carlos Bishop Gerardo Alminaza hindi katanggap-tanggap ang sinapit at pagkamatay ni Anakpawis Chairman Randall “Ka Randy” Echanis sa kamay mismo ng mga otoridad.
Pagbabahagi ng Obispo ito ay palatandaan ng kawalan ng pagpapahalaga sa dignidad at buhay na siyang sinapit ni Echanis na tumatayong Peace Consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
“The killings are unstoppable in this regime a clear mark of shameless immorality this time state agents killed a peace advocate,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza.
Ibinahagi rin ni Bishop Alminaza ang kanyang pagsang-ayon sa isinusulong ni ‘Ka Randy’ na pagtutok sa pagkakaroon ng socio-economic reforms bilang solusyon sa kahirapan.
“I strongly agree with the wisdom of Ka Randy Echanis that the socio-economic reforms should address the economic problems of the people especially the marginalized sectors such as the farmers, the workers, the indigenous peoples and the urban poor.” Pagbabahagi pa ni Bishop Alminaza.
Giit ng Obispo, dapat na mabigyang katarungan ang sinapit ni Echanis gayundin ang pagpapatuloy sa mga nasimulan nitong pagsusulong sa karapatan ng mga maliliit na sektor ng lipunan gaya na lamang sa usapin ng lupang agraryo sa bansa.
Una na ring inatasan ng Department of Justice (DoJ) ang Task Force on Extra-Judicial Killings na bumuo ng isang lupon na mangangasiwa sa imbestigasyon ng pagkakapaslang kay Echanis.