11,663 total views
Nakatakdang magkaisa ang iba’t ibang denominasyon ng Simbahan para sa paggunita ng ika-39 na anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.
Ayon kay Caritas Philippines President at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang EDSA ay isang patuloy na paalala sa pambihirang kapangyarihang tinataglay ng taumbayan na hindi dapat na isantabi at ipagsawalang bahala ng sinuman.
Ipinaliwanag ng Obispo na siya ring tagapangulo ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action-Justice and Peace, napapanahon na upang muling maipamalas ng taumbayan ang natatanging kapangyarihang ito upang matiyak ang patuloy na pananaig ng demokrasya, katarungan, at mabuting pamamahala o good governance sa bansa.
“EDSA is a reminder that people’s power is real… It is time for us to reclaim that power and ensure that the values of democracy, justice, and good governance prevail in our nation.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Bilang paninindigan sa pagsusulong ng kaayusan sa bayan ay nagkaisa ang mga lider ng iba’t ibang denominasyon at nabuo ang Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT) noong February 13, 2025 sa LAIKO Office sa Intramuros, Manila na layuning isulong ang mabuting pamamahala at pambansang pagpapanibago para sa Pilipinas.
Pagbabahagi ni Bishop Bagaforo na isa sa nangunguna sa grupo katuwang si Novaliches Bishop Roberto Gaa, ang paglaban sa katiwalian ay isang moral na tungkulin na dapat na isulong ng bawat mamamayan para sa kapakanan ng kapwa at ng buong bayan.
“The fight against corruption is a moral imperative… We cannot remain silent while the country suffers from bad governance, corruption, and impunity. The people must take a stand and demand accountability.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Kaugnay nito kasabay ng paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa ika-25 ng Pebrero, 2025 ay magsasagawa ng isang pagkilos ang Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT) sa People Power Monument ganap na alas-tres ng hapon upang patuloy na ipamalas ang paninindigan para sa bayan.
“As the nation marks the 39th anniversary of the 1986 People Power Revolution, the Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT) calls on all Filipinos to unite in a mass gathering at the People Power Monument on February 25, 2025, at 3:00 PM. The event, EDSA People Power @ 39, aims to reignite the spirit of democracy and accountability as the country faces continued challenges of corruption, economic hardship, and governance failures.” Ayon kay Bishop Bagaforo.
Kabilang sa mga bumubuo ng CLCNT ang Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC), National Council of Churches in the Philippines (NCCP), Roman Catholic Church (sa pangunguna ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action-Justice and Peace at Caritas Philippines), Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), at Manila Ecclesiastical Province School Systems Association (MAPSA).
Kasama rin sa grupo ang CGG (Clergy for Good Governance), CCGG (Concerned Citizens for Good Governance), TAMA NA (alliance of universities led by De La Salle University), at iba pang civic and advocacy groups.