328 total views
Umaasa si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na tuluyan ng pahintulutan ng pamahalaan ang pagdalo ng mas maraming mananampalataya sa mga banal na liturhiya ng Simbahan.
Ayon sa Obispo, higit na kinakailangan ng mamamayan na makapagpahayag ng pananampalataya sa gitna ng halos 7-buwang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani na ang taong may malalim na pananampalataya ay mayroong mas matatag na kalooban sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay at hindi magpatiwakal.
Inihayag ng Obispo na nagbibigay ng pag-asa sa mga mananampalataya ang pagdalo sa banal na liturhiya na harapin ang lahat ng hamon at pagsubok.
“Ang taong may pananampalataya is less likely to be depress and a person of faith will not find any real reason to commit suicide kaya napakahalaga at this time to let people to be able to practice their faith and to find hope from motives of faith.” pahayag ni Bacani sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Obispo na dapat pahintulutan na ng pamahalaan ang pagdalo ng 50-porsyento ng kapasidad ng mga Simbahan upang matugunan ang tumataas na bilang ng suicide sa bansa.
Tiniyak ni Bishop Bacani na masusunod ang mga safety health protocol lalu na ang social distancing dahil sa laki ng kapasidad ng mga simbahan.
“I myself would advocate let them keep a proper distancing but let them be able to participate in the mass, like a 50% attendance at mass should not be dangerous to people especially when the spaces are open spaces unlike in a completely air-conditioned room.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Batay sa pagsusuring isinagawa ng World Health Organization (WHO), malaki ang itinaas ng kaso ng mental health-related concerns and disorders sa Pilipinas mula ng magsimulang maramdaman ang epekto ng COVID-19 pandemic noong Marso.
Sa tala na nakalap ng W-H-O mula sa National Center for Mental Health (NCMH), tumaas sa 45-tawag kada araw ang natataganggap ng ahensya mula Marso ng kasalukuyang taon mula sa dating 13 hanggang 15 tawag kada araw na natanggap noong Mayo 2019 hanggang Pebrero ng 2020 na may kaugnayan sa depresyon at pagpapatiwakal.