197 total views
Adbokasiya ng galit at paghihiganti, sa halip na pagkamit ng katarungan.
Ayon kay Apostolic Vicariate of Puerto Prinsesa, Palawan Bishop Pedro Arigo, vice chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care (CBCP-ECPP), ito ang nais ipahiwatig ng bagong administrasyon laban sa mga nagkasala sa batas gaya na lamang ng kautusan sa mamamayan (citizen’s arrest) na maari nilang arestuhin at patayin ang mga pinaghihinalaang kriminal.
Pahayag ni Bishop Arigo, nasa batas ang citizen’s arrest subalit sa sistema ng ‘criminal justice’ sa bansa, may mga kaso ng ‘planted evidences’ at ‘frame-up’ sa mga suspek na dapat ingatan upang hindi maparusahan ang mga inosente.
Dagdag ng obispo, ito rin ang dahilan kung bakit hindi katanggap-tanggap na sinisintensiyahan kaagad ang mga pinaghihinalaan sa halip na litisin o bigyan ng karapatang malitis.
Pahayag pa ni Bishop Arigo, kinakailangan na maitama ang maling nagawa, makapagsisi at makapagbagong-buhay ang mga nagkasala sa batas na layunin ng restorative justice na adbokasiya ng Prison and Pastoral Care.
“May citizen’s arrest naman sa ating Konstitusyon, pero yung abuso, sa ating criminal justice system, daming mga tinatawag na frame-up, may planted evidences na dapat nating pag-ingatan, maganda makita natin na ang problema ng crime and justice ay medyo macrolevel…mabanggit ko ang Prison and Pastoral Care matagal na naming advocacy ang restorative justice, na lumalabas kasi parang sa mga statement ng ating incoming president talagang ang justice isa lang ang ibig sabihin, punitive. Parang hindi na justice parang vengeance na nag-aadvocate ng hatred para dun sa mga law offenders, gayung sa restorative justice ang tingin natin they are still persons to be corrected, to be rehabilitated, yun ang pananaw natin tungkol sa justice system.” Ayon pa kay Bishop Arigo.
Sa panig ng Restorative Justice Ministry ng Simbahang Katolika, maliban sa nagbibigay ng maliit na pinagkakakitaan sa mga bilanggo para sa kanilang pamilya, nagsasagawa din sila ng ‘regular seminars’ para sa kanilang pagbabago ng may dignidad at tuluyang matanggap nila ang kanilang sarili maging ng lipunan.
Base sa nakalap na datos ng Redemptorist priest na si Rev. Fr. Amado Pacardal, dating tagapagsalita ng Coalition Against Summary Executions, mula 2011 hanggang 2015, sa Davao City lamang, nasa 385 ang biktima ng summary executions ng Davao Death Squad (DDS), 39 dito may edad 17 pababa na karamihan ay mga batang lansangan.