523 total views
Plano ng Civil Service Commission (CSC) na bigyang pagkilala haba ng panahon sa serbisyo ng mga kontraktwal na empleyado ng gobyerno, ito ay upang tumaas ang bilang ng mga kawani na papasa sa pagsusulit.
Ito ang inihayag ni CSC chairperson Karlo Alexei Nograles sa ginanap na budget hearing sa Mababang Kapulungan kaugnay sa isyu ng mga contract of service at job order employees sa pamahalaan.
Ayon kay Nograles, isinasaayos ng ahensya ang point system para matulungang pumasa sa pagsusulit ang mga matagal nang empleyado.
Paliwanag pa ni Nograles- isa sa dahilan kung bakit hindi nagiging regular sa trabaho ang maraming JOs at COs ay dahil hindi nakapapasa ang sa civil service exam.
Kung daragdagan umano ang puntos ng mga ito na ibabatay sa kanilang tagal sa serbisyo ay maaari silang umabot sa 80% passing mark.
“They still need to get the civil service exam and kung ano man yung hindi sila makapasa because hindi sila maka-abot ng 80 but because may number of points equivalent to the number of years served ia-add namin yun sa kanilang raw score, that gives them more chance na tumama (umabot) sa 80%,” sabi ni Nograles.
Ayon kay Nograles mayroong 642,077 JOs at COS sa gobyerno sa kasalukuyan kung saan 487,149 ang nasa mga lokal na pamahalaan at 107,409 naman ang nasa iba’t ibang ahensya ng national government.