917 total views
Suportado ni Claretian Missionary Fr. Elias Ayuban Jr. ang mga madre sa bansa na nangunguna sa pagkakawanggawa lalo na sa mga nangangailangan.
Inilarawan ni Fr. Ayuban – Provincial Superior ng Claretian Missionaries Philippine Province at Co-Chairperson ng Conference of Major Superior in the Philippines na makainang pag-aaruga ng simbahan ang gawain ng mga madre tulad ng paglingap sa mga liblib na komunidad sa bansa.
Ayon sa pari, ang kawanggawa ng mga consecrated women ay pangkaraniwang gawain at hindi isinasapubliko.
“Here is a collection of photos of some communities of sisters in action in these times of crisis. They have been doing this since time immemorial, but they are seldom noticed or talked about because they do not call the media to cover their apostolic works,” ayon sa pahayag ni Fr. Ayuban.
Ibinahagi ng pari sa kanyang social media ang larawan ng mga madre na aktibong nagbahagi ng tulong noong pandemya habang umiiral sa malaking bahagi ng Pilipinas ang mahigpit na lockdown.
Ito ay pakikiisa ni Fr. Ayuban sa mga madreng kasapi ng Rural Missionaries of the Philippines na kabilang sa kinasuhan ng Department of Justice dahil sa alegasyong pagpopondo sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA).
Kabilang sa 16 na kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 sina Sr. Emma Teresita Cupin, Sr. Susan Dejolde, Sr. Augustina C. Juntilla, at Sr. Mary Jane Caspillo.
Ipinaliwanag ng D-O-J na bigo ang 16 na indibidwal na magsumite ng kanilang counter-affidavit sa isinagawang preliminary investigation sa reklamong inihain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Binigyang diin ni Fr. Ayuban na bahagi ng gawain ng mga relihiyoso at ng buong simbahan ang paglingap sa pangangailangan ng mga mahihirap lalo na ang naisasantabi sa lipunan.
Dalangin ng pari ang kaayusan at kaligtasan ng bawat misyonero na buong katapatang isinabuhay ang misyon na ibahagi si Hesus sa bawat pamayanan.