352 total views
Inihayag ni Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez na hindi katanggap-tanggap ang Clean Coal industries na binanggit ni Presidential Candidate Former DILG Secretary Mar Roxas sa pinaka huling Presidential debate.
Binigyan diin ng Obispo na lahat ng uri ng extractive industries ay napatunayan nang malaki ang idinudulot na pinsala sa kapaligiran at sa mga komunidad na malapit dito.
Dahil dito, mariing tinutulan ng Obispo, ang pahayag ng kandidato na ipagpapatuloy nito ang pagpapatayo ng maraming planta sa bansa kapag ito ang nahalal bilang pangulo ng Pilipinas.
“Mahirap, saan ka nakakita ng uling na clean, meron na?… If there is such a thing as clean coal bakit marami ang mga pollution sa Europe and United States and China kung malinis? And Second, kung malinis, why did they stop all their power plants, they have already closed there, tayo sa Pilipinas we are starting. That is defending the indefensible.” pahayag ni Bishop Gutierrez sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, iginiit ni Gerry Arances, convenor ng Center for Energy, Ecology Development na hindi makabubuti sa kalikasan at kalusugan ng tao ang “clean coal technology”.
Dahil dito, sinusubukang makipag-ugnayan ng mga environmental groups kay Roxas upang maipaliwanag ng grupo ang pinsalang dulot ng coal technology.
Samantala bukod sa 17 Coal Power Plant Facilities na nakatayo sa bansa, nakaamba pang magtayo ng karagdagang 29 na pasilidad hanggang taong 2020.
Una nang iminungkahi ni Pope Francis, sa encyclical nitong laudato si na mas makabubuting palawakin ang pag-gamit sa renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.