340 total views
Isa sa mga bukambibig ng maraming Filipino ngayon ay ang sobrang taas ng kuryente sa ating bansa. Kahit saang bahagi ng ating bayan ngayon, ang bayarin sa kuryente ang isa sa pinaka-mabigat na obligasyon ng bawat kabahayan. Ang ating bansa nga ang isa sa may pinakamataas na electricity rates sa Southeast Asia. Ayon sa isang pag-aaral, pumapangalawa sa Singapore ang Pilipinas na may pinaka-mataas na presyo ng kuryente sa Southeast Asia.
Ang kuryente, kapanalig, bago natin makalimutan, ay hindi lamang natin ginagamit sa bahay. Ginagamit natin ito sa industriya, negosyo, at opisina. Kaya nga’t kung mataas ang presyo ng kuryente, malaki rin ang overhead ng mga namumuhunan sa bansa. Kaya nga’t pati na ang mga negosyante ay umalma ngayon. Wala ng katiyakan sa suplay ng kuryente minsan, mataas pa ang babayaran. Noong nakaraang taon, umalma na nga ang Philippine Chamber of Commerce and Industry ukol dito. Halos 60% ng operational costs ng mga negosyo ay napupunta na sa kuryente.
Kaya nga’t marami ng naghahanap ngayon ng alternative sources of energy, gaya ng solar energy na abundant o napakayaman naman sa atin. Gumagastos na ang ilang mga kabahayan ng libo libo o daang libo para lamang magkaroon solar panels upang bumababa kahit papaano ang bayad sa kuryente, at makatipid at makabawi sa kalaunan. Kung pwede lamang magamit ito sa mas malaking bahagi ng ating bansa, sa murang halaga, para makatipid ang kabahayan at maging mga negosyo sa kuryente. Ang solar power ay malinis, at sustainable at renewable pa. Ito ay isang uri ng clean energy na angkop sa ating bayan.
Para magawa ito, kailangan bigyan ng prayoridad ang pananaliksik ukol sa mga mapagkukunan ng malinis na enerhiya na available sa ating bansa. Kinakailangan nating malaman ang ating kapasidad sa paggamit ng clean energy gaya ng solar, wind, at hydro. Sa pamamagitan ng maayos na pag-aaral, maaari nating matukoy kung aling mga teknolohiya ang pinaka-epektibo at pinakamabuti para sa ating bansa.
Kailangan din natin ng mga polisiya at regulasyon na magtutulak sa mga proyekto para sa clean energy. Dapat magkaroon ng incentives at subsidies para sa mga kumpanyang nagnanais mag-invest sa renewable energy. Ang pagtatayo ng mga solar farms, wind farms, at hydroelectric power plants ay dapat maging prayoridad ng pamahalaan. Dapat nitong suportahan ang mga naglalayong mag-ambag sa paglilinis ng ating enerhiya.
Mahalaga din na maisulong sa ating bansa ang edukasyon at kampanya tungkol sa malinis na enerhiya. Dapat mas maunawaan ng publiko ang kahalagahan ng renewable energy at ang positibong epekto nito sa kapaligiran at sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Kailangan natin ito kung nais natin mas lumawak pa ang suporta para sa malinis at mas murang enerhiya.
Ang paghahanap ng mas abot-kaya, mas malinis, at mas maka-kalikasan at makataong sources of energy ay hindi lamang praktikal, ito rin ay moral. Bahagi ito ng ating obligasyon na pangalagaan ang kalikasan at ng pagpapalaganap ng katarungan sa ating lipunan. Ito ay ‘stewardship of God’s creation, at ayon nga sa Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good ng mga US Catholic Bishops: Stewardship requires a careful protection of the environment and calls us to use our intelligence “to discover the earth’s productive potential and the many different ways in which human needs can be satisfied.
Sumainyo ang Katotohanan.