108 total views
Clemency, panawagan ng simbahan para kay Mary Jane Veloso
Nanawagan ng clemency kay Pangulong Ferdinand Marcos Junior para kay Mary Jane Veloso si Caritas Philippines Vice-president Gerardo Alminaza at kaniyang mga magulang na sila Cesar at Celia Veloso.
Ginawa ng Obispo ang panawagan sa misang inalay para sa inaasahang pag-uwi ni Mary Jane Veloso sa Pilipinas matapos ang 14-taong pagkakulong sa Indonesia sa kasong Drug Trafficking noong 2010.
Ayon kay Bishop Alminaza, nawa matapos mahatulan ang mga indibidwal na napatunayan may sala sa pagsasangkot kay Veloso ay maunawaan ng pamahalaan na biktima sa Veloso at hindi kailanman ay naging sangkot sa anumang ilegal na aktibidad.
Naniniwala ang Obispo na tanging pagtatrabaho sa ibayong dagat at pagpapabuti sa kalagayan ng pamilya ang layunin ni Mary Jane kaya ito naging Overseas Filipino Worker (OFW).
“At sana dahil na-convict naman yung traffickers niya at kaya nga ang reason na bakit babalik, ipapabalik siya ay dahil siya ay maging state witness, maging test, magte-testify siya against doon sa traffickers niya, sana this is already the needed basis or reason na mabigyan na siya ng clemency, na mapatunayan na siya ay inosente at biktima lang talaga ng mga, yung mga taking advantage ng kahirapan, ng ating kapwa Pilipino para yumaman sila at magkapera sila, napakasakit nitong experience na ito, Sana wala ng Mary Jane Veloso na makaranas ng ganito, so panawagan ko, ipagdasal natin, magtrabaho tayo, magtulungan tayo,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Alminaza.
Labis naman ang pagpapasalamat ng Ina ni Mary Jane na si Celia Veloso dahil sa suportang ipinaramdam ng simbahan simula ng makulong si Veloso kung saan ipinarating din niya ang pagpapasalamat sa pamahalaan, media at ibat-ibang grupo na naging bahagi ng 14-taon pakikibaka para sa kaniyang anak.
Umaasa si ginang Celia na kilalanin ng pamahalaan na inosente at biktima ang anak na si Mary Jane at igawad ang clemency.
“Ang mensahe ko po nagpapasalamat po ako sa lahat-lahat po ng sumuporta sa aking anak, sa mga Migrante, sa Attorney namin, sa mga Media at sa mga Taong Simbahan, sa buong mundo na sumuporta, maraming salamat at ang kwan ko po sana, makauwi po siya ng mapayapa, ligtas at bigyan na siya ng ating pangulo ng Clemency,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Celia Veloso.
Nobyembre ng iparating ng Indonesia sa Pilipinas ang layuning ilipat si Mary Jane Veloso sa mga kulungan ng Pilipinas.
Matapos makulong, simula pa noong 2010 ay idinaos na ang mga pakikipag-ugnayan o dayalogo ng pamahalan ng Pilipinas sa Indonesia matapos mahatulan ng bitay at magawaran ng temporary reprieve noong 2015 si Veloso.