265 total views
Makahulugan para sa Diocese of Malolos ang naging pagdiriwang ng Year of the Clergy and Consecrated Persons.
Ayon kay Msgr. Pablo Legaspi, Jr., Vicar General ng Diyosesis, masakit na pangyayari ang pinagdaanan ng buong diyosesis sa pagpanaw ni Bishop Jose Oliveros.
Gayunman sinabi ni Msgr. Legaspi na isang biyaya din na agad na pinagkalooban ng Apostolic Administrator ang diyosesis sa katauhan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco.
Naniniwala si Msgr. Legaspi na sa pinagdaanan ngayong taon ng mga pari ng Malolos ay lalong napagtibay ang samahan at pananampalataya ng bawat isa, gayun din ang pagsuporta sa kanilang kapwa pari, at mga kasamahang relihiyoso at relihiyosa.
Kaugnay nito, sa nalalapit na pagtatapos ng taon ng liturhiya ng simbahan magsasagawa ng pagdiriwang ang Diocese of Malolos upang magkatipon-tipon ang mga pari, relihiyoso at relihiyosa.
Sinabi ni Msgr. Legaspi na isa din itong magandang pagkakataon upang mabigyang pugay at pasasalamat ang natatanging ambag hindi lamang ng mga pari kun’di maging ang mga taong nagtalaga ng sarili sa Panginoon.
Aniya, malaking tulong ang mga religious congregations sa pagbibigay ng katesismo sa mga parokya at paaralang nasasakupan ng kanilang diyosesis.
“Kung minsan nakakalimutan na itong taon na ito hindi lang taon ng mga pari, taon din ito ng mga namamanata sa Diyos. Sa amin sa Diocese, we have to recognize na yung mga consecrated persons, mga men and women religious natin. Kasama sila sa misyon ng simbahan at malaking bahagi ng misyon sa mga apostolado nila, social apostolate at lalong lalo na evangelization to school apostolates,” bahagi ng pahayag ni Msgr. Legaspi sa Radyo Veritas.
Ngayong biyernes, ika-23 ng Nobyembre gaganapin ang pagdiriwang para sa closing ng Year of the Clergy and Consecrated Persons ng Diocese of Malolos sa Malolos Sports and Convention Center.
Samantala, pinasalamatan din ni Msgr. Legaspi ang mga layko na tumulong sa pag-oorganisa ng pagtitipon para sa mga pari, relihiyoso at relihiyosa.
Sa tala, ang Diocese of Malolos ay mayroong 108 mga parokya, habang umaabot naman sa 3.8milyon ang populasyon ng mga mananampalatayang nasasakupan nito.