376 total views
Kapanalig, ang nagbabagang tag-init at mga usaping politika ay huwag sana magdulot sa atin ng temporary amnesia: marami pang mahahalagang bagay ang hindi natin napapaghandaan at naisasa-ayos sa sa ating bayan.
Isa na rito ay ang maaring maging epekto ng climate change sa ating bansa.
Ang climate change ay isa sa mga pangunahing dahilan ng displacement sa buong mundo. Ayon sa mga pagtataya ng eksperto, aabot ng 650 milyong tao ang maninirahan sa mga flood-prone areas pagdating ng 2100. Ang majority o pinakamalaking bilang ng mga taong ito ay matatagpuan sa Asya, kasama na ang Pilipinas.
Isipin natin kapanalig, ang ating bansa ay isang arkilepelago; tayo ang isa sa may pinakamahabang coastline sa buong mundo. Tinatayang 36,289 kilometro ang haba nito at sumasakop pa ng 25 na syudad. Mahigit 60% ng ating populasuon ay nakatira sa coastal zone, ayon sa World Bank.
Ang climate change kapanalig, ay nagpapapataas ng sea level. Ito ang isa sa pinakamatinding epekto ng climate change. Ang pagtaas ng sea level ay kakamal ng lupa; mababago nito ang mapa. Saan pupunta ang ating mga coastal residents? Ito lamang Pebrero 2017, umabot ng halos 180,000 ang nadisplace ng pagbaha sa Mindanao. Base sa pangyayari na ito, makikita na hindi tayo handa.
Kapanalig, ang isyu ng pagbaha ay malayo sa ating mga gunita ngayon, ngunit ito ay kailangan ngating paghandaan, Hindi sapat na puro usaping pampuliktika ang ating inaatupag; kailangan nating kumilos. Ang mga epekto ng climate change ay mas magiging ramdam sa ating bansa sa mga darating na panahon, at ito ay dapat pagtuunan ng pansin dahil buhay, kapanalig, libo-libong buhay ang nakasalalay dito.
Base sa 2015 Global Climate Risk Index, ang ating bansa ang top 1 na pinaka-apektado ng climate change noong 2013. Ang ating bansa kasi ay napapalibutan ng katubigan. Iinit ito at tataas ang lebel dahil sa climate change.
Kilos na kapanalig, kumilos tayong lahat. Ayon nga kay Pope Francis: Many things have to change course, but it is we human beings above all who need to change.
Adaptation at mitigation ang pangunahing mga aksyon na maari natin gawin para mabawasan ang epekto ng climate change. Ang Netherlands, kapanalig, ay isa sa mga magagandang ehemplo ng bansang may mainam na flood mitigation actions. Malaking bahagi ng kanilang bayan, miski ang kanilang airport ay below sea-level kapanalig, pero naharap nila ang isyu ng flood control.
Magising nawa tayo ng babala ni Pope Francis mula sa Laudato Si: Marami sa mga may kapangyarihan sa ating lipunan ay nakatuon lamang sa pagtago o pagresolba ng mga sintomas ng climate change. Ngunit marami sa mga sintomas na ito ay lalong lalala sa halip na gumaling dahil hindi naman ito naka-ugat sa tunay at makabuluhang pagbabago.
Pag-angat ng Kasanayan ng Mamamayan
Kapanalig, ang edukasyon ay mahalaga. Ito ay isang daan labas ng kahirapan.
Sa ating bayan nga lamang kapanalig, medyo limitado ang depinisyon ng edukasyon. Marami sa atin ay naniniwalang ang edukasyon ay lagi dapat pormal. Hindi bukas ang marami sa atin sa konsepto ng paglilinang ng kasanayan o bokasyonal na edukasyon.
Kaya’t hindi nakakapagtataka na malaki ang skills mismatch sa ating bansa. Kung titingnan ang labor market ngayon, maraming mga graduates ang walang trabaho at maraming trabaho ang kulang sa mga aplikante habang sa ibang posisyon, milya milya ang haba ng mga aplikante. Noong nakaraang taon, tinatayang mga 1.2 million na graduates ang hindi agad nakakuha ng trabaho dahil sa job mismatch.
Ayon sa Labor Market Information Report ng Department of Labor and Employment (DOLE) mula 2013 to 2020, 275 na trabaho ang in-demand habang may 102 naman ang mahirap malagyan ng tao.
Ang mga ganitong sitwasyon ay maaring maiwasan kung ang ating lipunan ay mas bibigyang pansin ang paglilinang ng kasanayan kasabay ng pagsasa-ayos ng pormal na edukasyon. Ang mataas na investment sa skills development ay isang mainam na paraan upang maiwaksi ang kahirapan sa bayan at matugunan ang isyu ng hindi pagkapantay-pantay ng lipunan.
Sa ngayon kasi kapanalig, marami ang nais makakuha ng diploma ngunit dahil sa hirap na buhay, kaunti lamang ang nakakapagtapos ng pormal na edukasyon. Kung walang kasanayan ang mga hindi nakatapos, nawawalan sila ng ibang opsyon upang magkaroon ng disenteng hanapbuhay.
Ang investment sa paglilinang ng kasanayan ay hindi lamang dapat limitado sa pagbibigay insentibo sa mga institusyong nagbibigay ng training at vocational education. Kasama din dapat ditto ang pagtataas ng kamalayan ng mas maraming Pilipino ukol sa kabutihang maaring maidulat ng technical at vocational education.
Ang pagpapalawig ng opsyon para sa edukasyon at kabuhayan ay isang uri ng pagkilala sa dignidad ng tao. Ang Mater et Magistra ay nag-papa-alala sa mahalagang bahagi ng edukasyon sa ating buhay at pagkatao: Marami pa ring mga hindi makatarungan at makataong pangyayari sa ating buhay ngayon. Marami pa ring mga pagkakamali ang nakaka-apekto sa ating mga gawain, layunin, struktura at mga operasyon. Ngunit hindi natin mapapagkaila na, salamat sa agham at teknolohiya, ang mga produktibong sistema ngayon ay mas moderno at mas mahusay. Lahat ng ito ay nangangailangan ng mas mataas na lebel ng kasanayan mula sa mga mangagawa. Kaya’t kailangan bigyan sila ng tulong at oras upang makumpleto nila ang kanilang bokasyonal na pagsasanay at ng kanilang kultural, moral, at ispiritwal na edukasyon.