186 total views
Marami sa atin ang mas pinipiling magbulag-bulagan sa realidad ng climate change. Katwiran ng iba, marami pang mga problema sa mundo na mas “urgent” kaysa climate change, gaya ng pandemya ngayon.
Kapanalig, hindi man natin direktang maiugnay sa climate change ang mabilisang pagkalat ng COVID 19 sa buong mundo, makikita naman natin na ang pagbabago ng klima ay nagbabago rin ng pagkilos ng tao at hayop sa mundo. Ang mga pagbabagong ito ay maaring maging sanhi rin ng paglipat at pagkalat ng iba-ibang sakit, mga sakit na gaya ng COVID 19, ay bago sa kasaysayan ng buong mundo.
Isang halimbawa, kapanalig – habang lalong umiinit ang mundo, maraming mga hayop ang nag-ma-migrate at nababago rin ng patterns of migration. Sa pagbabagong ito, marami silang nakakasalamuhang mga tao at hayop na dati nilang hindi nakakasalamuha. Ang pagbabago sa galawan ng hayop at tao ay oportunidad para sa hawaan.
Isa pa ring halimbawa, kapanalig – dahil sa climate change at ang dala nitong pagbabago sa lakas at pwersa ng mga natural disasters, maraming mga hayop ang nawawalan ng tirahan. Sa kanilang pagpuga sa kanilang mga lungga, nakakasalubong din sila ng mga ibang hayop at tao – at ayan – pagkakataon na naman na maglipat lipat ang mga pathogens na maaring magsimula ng panibagong pandemya.
Lahat sa mundo ay magkaka-ugnay. Pagdating sa issue ng climate change, ang pagkaka-ugnay ng lahat ng nilikha ay mas matingkad. Ayon nga sa Laudato Si, “God has joined us so closely to the world around us that we can feel the desertification of the soil almost as a physical ailment, and the extinction of a species as a painful disfigurement.” Ang anumang sakit na nararamdaman ng mundo ay nararamdaman din ng lahat ng tao.
Halimbawa ng kaugnayan na ito ay ang pagtaas ng bilang ng pagkakasakit at kamatayan sanhi ng polusyon. Ayon nga sa WHO, ang magkasamang epekto ng polusyon sa kalawakan pati sa kabahayan ay nagdudulot ng humigit kumulang na 7 milyong premature o hindi ina-asahang kamatayan kada taon. Sa panahon ng pandemyang nagnanakaw ng kakayahan ng maraming tao makahinga ng maayos, ang pagtaas pa ng polusyon at iba pang epekto ng climate change ay mas magpapalala pa ng sitwasyon.
Kapanalig, ang climate change, may pandemya man o wala, ay isang urgent global issue. Huwag nating kalilimutan ito. Ang kawalan ng aksyon sa isyung ito ay katumbas ng panonood lamang sa mabagal na pagliyab ng nag-iisa mong tahanan.
Sumainyo ang Katotohanan.