269 total views
Kapanalig, hindi kapalaran o parusa ang paghagupit ng mas malalakas na bagyo ngayon, o ng malawakang pagbaha dahil sa mas malaking volume ng ulan, o kaya ang mga matitinding tagtuyot. Mas extreme na ang mga weather events na ito dahil sa climate change. At tuwing mangyayari ito, ang laki ng epekto nito sa ating agricultural sector, na ating pangunahing pinagkukunan ng ating makakain.
Kailangan makita ng mas maraming mga Filipino ang ugnayan ng climate change at ng katiyakan sa pagkain sa ating bayan. Kapag naunawaan natin ito, siguro, mas mamahalin natin ang ating kalikasan, ang ating mundo. Kapag tunay nating maiitindihan ito, baka magbago din ang ating kilos ukol sa climate change, mula sa reaction, magiging prevention na at mitigation.
Ang climate change kapanalig, ay nagpapataas ng temperature ng mundo, nagpapadami ng ulan, at nagpapataas ng sea levels. Kung hirap na tayo sa mga epekto nito ngayon, mas magiging malala pa ito sa darating na panahon. Ayon nga sa isang report ng World Food Programme, mas dadami at dadalas pa ang pag-ulan sa maraming lugar sa Pilipinas mula 2022 hanggang 2050. At dahil dito, ang ating mga taniman ng bigas at gulay ay lubhang maapektuhan.
Ang mga pagbabagong ito ay may mga chain reaction na maaring makabawas sa ating food supply. Mas malaking problema ito dahil sa ngayon, export-oriented na nga ang bansa natin. At kapag nagkaroon ulit ng mobility restrictions, saan na tayo kukuha ng pagkain?
Tinatayang pagdating ng 2050, patuloy na tataas ang temperatura sa ating bansa. Kapag lumampas ng 30 degrees Celsius sa mga lugar na nagpo-produce ng bigas at taunang pananim, maaring mas madalas na ang mga plant diseases.
Kaya’t ngayon pa lamang sana ay makapaghanda na ang ating lipunan upang maiwasan natin ang pangyayari ito sa pamamagitan ng mga prevention, mitigation, at adaptation measures na tutugon sa mga epekto ng climate change sa ating agricultural sector. Kailangan magawa natin ito bago mahuli ang lahat. Umaabot na sa P463 billion ang pinsala ng mga extreme weather events sa ating bansa sa nagdaang dekada.
Kaya nga’t ang Simbahan ay lagi sa ating nagpapa-alala ukol sa mga epekto ng climate change. Dinggin sana nating ang sinabi ni Pope Francis sa kanyang mensahe noong Celebration of the World Day of Prayer for the Care of Creation 2022: “The poor feel even more gravely the impact of the drought, flooding, hurricanes, and heat waves that are becoming ever more intense and frequent… The present state of decay of our common home merits the same attention as other global challenges such as grave health crises and wars.” Ang ating obligasyon bilang protektor ng ating kalikasan ay hindi opsyonal, kapanalig. Ito ay kabahagi ng ating pagkatao at ng ating pananalig.
Sumainyo ang Katotohanan.