215 total views
Hangga’t hindi natin ituturing na emergency ang climate change, nasa bingit lagi ng peligro ang sangkatauhan. Tayo ang dahilan nito, kaya’t nararapat lamang na kumilos tayo upang ating mapigil ang patuloy na pag-init ng mundo.
Kapanalig, ayon sa United Nations, ang pagdami at konsentrasyon ng greenhouse gases o GHG sa ating kalawakan ang nag-papainit ng mundo. Ang mga GHG gaya ng carbon dioxide at methane ay bunga ng mga gawain ng tao. Ang carbon dioxide ay mula sa pagsusunog ng mga fossil fuels gaya ng krudo at langis. Ang methane naman ay mula sa coal, natural gas, at langis. By-product din ito ng agrikultura at livestock, pati ng ating mga basura.
Ang pagtaas ng temperatura ay dama na sa maraming bahagi ng mundo—ang 2020 ang pinaka-mainit na taon sa ating kasaysayan. Tumaas na ng mahigit pa sa 2 degrees Fahrenheit ang ating temperatura simula ng 1880s. Dahil sa pag-init ng mundo, 30% ng ating kabuuang populasyon ay nakakaranas na ng nakakamatay na heat waves. Sa pag-init ng mundo, umiinit din ang karagatan, na siya namang nagiging dahilan ng mga super typhoons. Mas lumalaki rin ang volume ng pag-ulan, na nagdudulot ng malawakang pagbaha.
Ayon sa United Nations, marami tayong magagawa upang mapigil ang climate change. Obligasyon nating gawin ang mga ito. Inuudyukan tayo ng Panlipunang turo ng simbahan na kumilos para sa kalikasan. Ayon sa Laudato Si, esensyal na bahagi ng ating pananalig ang responsibilidad natin para sa kalikasan at lahat ng nilikha.
Ilan sa ating maaring magawa ay ang pag-udyok sa mga highly industrialized countries na iprayoridad ang pagbaba ng kanilang emisyon sa pamamagitan ng inobasyon at makabagong teknolohiya. Kailangan din nating tiyakin na ang development ng ating mga syudad ay hindi magdudulot ng malawakang pagkawala ng ating mga natural habitats. Ang pagkalbo ng mga kagubatan, ang pagpatag ng mga kabundukan, at ang walang pakundangan pag-gamit ng mga natural na yaman mula sa kalikasan ay nag-a-ambag sa pag-init ng ating mundo.
Ang panahon ng pandemya ay isang oportunidad upang ating matiyak na ang pagbangon ng lahat ay “green” —mas mabilis at sustainable ito para sa lahat. Gamitin sana natin itong window of opportunity na ito para sa kabutihan ng sangkatauhan.
Sumainyo ang Katotohanan.