451 total views
Inaanyayahan ng makakalikasang grupong Living Laudato Si-Philippines ang mga mananampalataya na makiisa sa isasagawang virtual online seminar hinggil sa pangangalaga sa kalikasan laban sa mga mapanirang industriya ng coal-fired power plants.
Ito ay ang Philippine Interfaith Summit on Climate Emergency 2020 na gaganapin sa ika-24 ng Nobyembre mula alas-2 hanggang alas-5 ng hapon.
Nilalayon ng virtual event na ito na pagbuklud-buklurin ang iba’t ibang pananampalataya at mga denominasyon sa bansa upang talakayin mula sa kanilang mga sariling paniniwala at tradisyon ang moralidad at espiritwalidad ng pangangalaga sa mundo sa pamamagitan ng hindi pagtangkilik sa fossil fuels at iba pang industriya na sumisira sa kalikasan.
Katuwang dito ng grupo ang Climate Change Commission, Uniharmony Partners Manila, GreenFaith at Radio Veritas.
Kaugnay nito ay hinimok ng Kanyang Kabanalang Francisco ang mga mananampalataya at mga pribadong sektor na huwag tangkilikin ang mga kumpanyang lumilikha ng fossil fuel at iba pang institusyon na nagpapanatili sa pagbabago ng klima ng mundo.
Sinabi ng Santo Papa na ang pagbubuo ng ligtas at mahusay na energy systems batay sa pinagmumulan ng renewable energy ay posibleng makatulong sa pangangailangan ng mga nasa mahihirap na populasyon at upang mabawasan ang pag-init ng daigdig.
Ayon sa Global Carbon Project, naitala noong nakaraang taon ang mataas na antas ng carbon dioxide emmission na aabot sa 37-bilyong tonelada dahil sa demand ng langis at natural gas.
Batay naman sa catholic social teaching, bagamat pabor ang simbahan na kumita ang isang mamumuhunan kinakailangang ang kitang ito ay nakakamit nang hindi nasasakripisyo o naaapektuhan ang bawat mamamayan partikular na ang kalikasan.