16,258 total views
Idineklara ni Albay Governor Edcel Greco Lagman ang climate emergency sa buong lalawigan ng Albay bunsod ng lumalalang krisis sa klima ng daigdig.
Ayon kay Lagman, layunin nitong pagtibayin ang pangakong lumikha ng agaran at makabuluhang pagkilos upang mabawasan ang greenhouse gas emissions, at pagtalima sa Paris Agreement.
Ang Paris Agreement on Climate Change ay ang kasunduan ng mga bansang kasapi sa United Nations, kung saan kabilang ang Pilipinas, na nangakong pananatilihin sa 1.5 degrees Celsius ang temperatura ng daigdig.
“We acknowledge the pressing need to limit global temperature rise to the 1.5 degrees-Celsius target outlined in the Paris Agreement, which is essential to prevent a more catastrophic climate future. The gravity of this situation calls for an unprecedented collective response,” pahayag ni Lagman.
Ginawa ng gobernador ang deklarasyon kasabay ng paghinto ng Climate Walkers sa lalawigan na nagmula pa sa Maynila para gunitain ang ika-10 anibersaryo ng Super Typhoon Yolanda.
Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa ng five action points ang Albay local government kasunod ng anunsyong climate emergency.
Kabilang dito ang paghikayat sa sektor ng enerhiya ng lalawigan upang mamuhunan sa renewable energy; pagtalikod sa liquified natural gas at iba pang fossil fuel bilang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya; at paghimok sa mga financial institutions na lumikha ng mga plano upang suportahan ang pagpapatigil sa fossil fuel projects.
Gayundin ang pagtataguyod sa pagpapabuti ng mga polisiya upang matugunan ang mga suliranin sa kalikasan, kabilang na ang pagpapatibay ng local climate action plan at pagsusulong ng paglipat sa low-carbon economy.
“In line with this declaration, we commit to do immediate and substantial actions to reduce greenhouse gas emissions and play our part in mitigating global warming,” saad ni Lagman.
Unang hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na magsama-sama sa pagdedeklara ng climate emergency upang pagtuunan ng mga kinauukulan ang kalagayan ng mga likas na yaman lalo na ang mga apektadong pamayanan.
Inihayag naman ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang apostolic exhortation na Laudate Deum, ang higit pang pagpapaigting ng magkatuwang na pagkilos at pagtugon ng mamamayan at pamahalaan upang mapangalagaan ang nag-iisang tahanan mula sa lumalalang epekto ng climate crisis.