205 total views
Hustisyang pangklima ang panawagan ng mga makakalikasang grupo sa pamahalaan ngayong nalalapit na ang pagdaraos ng United Nations Climate Change Conference of Parties COP25.
Nagsagawa ng Global Climate Strike ang iba’t-ibang makakalikasang grupo, kasama ang mga kinatawan ng simbahan sa Lapu-Lapu Monument, Luneta Park noong ika-29 ng Nobyembre, upang bigyang diin ang panawagan at protestang ito sa pamahalaan.
Ayon kay Naderev Saño, Executive Director ng Greenpeace South East Asia, kinakailangang seryosohin ng pinuno ng bawat bansa ang climate change o climate emergency dahil apektado nito ang maraming mamamayan sa iba’t-ibang panig ng mundo.
“Itong Global Climate Strike ay pagpapakita ng lakas ng sambayanan at isang pagpapahayag sa mga namumuno ng mga bansa at sa mga korporasyon na responsible sa krisis ng klima na kailangan nilang seryosohin itong problema na ito and this is a matter of life and death sa Filipinos.” Pahayag ni Saño sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Saño na ang paparating na bagyong Tisoy sa Pilipinas ay epekto na ng malalang kalagayan ng klima sa mundo.
Iginiit nito na out of season ang bagyong Tisoy sa buwan ng Disyembre at hindi inaasahan ang pagdating nito sa bansa ngayong ginaganap dito ang South East Asian Games.
Umaasa naman si Sano na magiging hudyat ang bagyong Tisoy upang seryosong harapin ng mga lider ng bansa sa South East Asia ang problema sa klima ng mundo.
“Ang bagyong Tisoy ay out of season, hindi natin inaasahan ang super typhoon sa panahon ng Disyembre at lalo na ngayong isinasagawa ang SEA Games. Isa itong pagpapatunay na kinakaharap natin itong problema natin sa Climate Change at sana maging hudyat ito sa mga liderato ng South East Asian countries na mabigyang pansin itong problema ng climate change at lalong palakasin itong boses ng South East Asia”, Dagdag pa ni Saño.