407 total views
Umaasa ang opisyal ng Vatican na higit makikilala ang mga Pilipino bilang tagapagpadaloy ng pananampataya sa buong mundo.
Ito ang mensahe ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect ng Dicastery for Evangelization sa misang ginanap sa St. Patrick Cathedral sa New York, Estados Unidos noong June 1, 2022.
Pinangunahan ng cardinal ang closing ceremony ng 500 Years of Christianity sa Amerika kasabay ng paggunita sa ika – 40 anibersaryo ng debosyon ni San Lorenzo Ruiz.
“I hope that the Filipinos everywhere will be known as someone who treasures the gift of faith, you are someone who treasures the gift of the church, let that be the mark of every Filipino Christian,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Ayon sa cardinal, dapat tularan ng mga Pilipino si San Lorenzo Ruiz na masigasig sa pagbabahagi ng pananampalataya sa ibayong dagat hanggang sa mapaslang sa Japan noong September 1637.
Pinuri ni Cardinal Tagle ang Filipino migrants na itinuring ni Pope Francis bilang ‘smuggler of faith’ na tunay na isinabuhay ang pagiging ‘gifted to give’ na paksa sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity ng Pilipinas.
Tinuran ng opisyal ang paglago ng kristiyanismo sa iba’t ibang bahagi ng daigdig sa tulong ng mahigit sampung milyong Overseas Filipino Workers.
“Ganyan ang regalo, mas binibigay mo mas lumalago; ang bawat regalong tinatanggap mananatiling regalo, kapag itinigil ang pamamahagi nito mawawala ang regalo,” ani ng cardinal.
Matatandaang 2013 nang magsimula ang siyam na taong paghahanda sa 500 Years of Christianity sa Pilipinas kung saan noong 2021 ginunita sa Archdiocese of Cebu ang unang binyag na pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.
Samantala nanawagan naman si Father Erno Diaz, Founder ng San Lorenzo Ruiz Global Ministry sa mga Pilipino na palakasin ang debosyon kay San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong santo.
“Wherever you are, please make your devotion to San Lorenzo Ruiz like vibrant and also vigorous this is our identity as Filipino Catholics and Christians in the world,” pahayag ni Fr. Diaz.
Bukod kay Cardinal Tagle dumalo rin sa pagtitipon si Vatican Permanent Observer to the United Nations Archbishop Gabriele Caccia na nakabase sa New York.
Batid ng arsobispo ang buhay na debosyon ng mga Pilipino kay San Lorenzo Ruiz sapagkat personal niya itong nasaksihan ng manilbihang kinatawan ng Vatican sa Pilipinas noong 2017 hanggang 2019.
Nakiisa sa pagtitipon ang Filipino communities sa Estados Unidos partikular sa New York, New Jersey at Connecticut.