30,342 total views
Naninindigan ang Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) laban sa isinusulong na pag-amyenda ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Sa isinapublikong pahayag ng CMSP na kapwa pinangangasiwaan bilang Co-Chairpersons nina Rev. Fr. Elias Ayuban, Jr., CMF at Sr. Cecilia Espenilla, OP ay inihayag ng oganisasyon ang pagkabahala sa tunay na intensyon ng mga nagsusulong ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Iginiit ng CMSP na mahalagang maging maingat, mapagbantay at alerto ang lahat mula sa sinasabing “economic reforms” na layunin ng Charter Change na maaring mauwi sa pagkakaroon ng pagbabago sa sistema ng pulitika sa bansa ayon sa interes ng iilan.
“The Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) joins its voice with the various well-meaning groups who have expressed opposition to amend the 1987 Constitution… We, in the Conference, are deeply concerned with this covert and deceptive move to change the fundamental law of the land. When done in darkness, it is likely that there are other interests and agendas behind this action. We then have to be alert and careful with the so-called “economic reforms for our lawmakers may introduce self-serving “political changes” as part of the amendments.”pahayag ng CMSP.
Nilinaw ng CMSP na hindi napapanahon ang pag-amyenda sa kasalukuyang economic provisions ng Saligang Batas ng Pilipinas sa halip ay dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagbibigay solusyon sa mga suliraning panlipunan na mas nakakaapekto sa pamumuhay mamamayan.
Tinukoy ng CMSP ang suliranin ng kahirapan, kagutuman, banta sa soberensya ng bansa, pag-angkin sa mga lupang ninuno ng mga katutubo, pagkasira ng kalikasan at iba pang labor issues na mas dapat na unahing bigyang pansin ng pamahalaan.
Iminungkahi din ng CMSP sa pamahalaan na tutukan ang pagsawata sa kurapsyon o katiwalian sa pamahalaan at ang pagkakaloob ng kalidad na serbisyo publiko.
“We call on the Government to address instead the more pressing concerns of our country, like poverty and hunger, landlessness and labor issues, threats to our sovereignty, environmental destruction, among others. At the moment, we believe that the Constitution is not the problem but poor governance and systemic corruption.” panawagan ng CMSP.