229 total views
“Gamitin ang pondo ng Coco Levy para sa kapakanan ng mga magniniyog.”
Iginiit ni dating CBCP – president at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na huwag ipagkait sa mga magniniyog ang kanilang benepisyo na matagal na nilang ipinaglalaban na hinarang at pinigil naman ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Pahayag pa ni Arcbishop Cruz marapat lamang ang ginawang pagsuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit sa P74 na bilyong pisong coco levy fund na ilalaan para sa mga magniniyog at kanilang pamilya.
Sinabi pa ni Archbishop Cruz tinutupad lamang ni Pangulong Duterte ang kaniyang naging pangako noong eleksyon sa mga magniniyog na hindi nito hahayaang mapasakamay ng pribadong sektor ang kanilang benepisyo.
Nauna na rin aniyang pinaniniwalaang ginamit ni Danding Cojuangco Jr., na tiyuhin ni dating Pangulong Aquino, ang naturang pondo upang makuha ang simpatya ng United Coconut Planters Bank, San Miguel Corporation at iba pang negosyante.
“Kaya yung coco levy fund ay for the good of the coconut farming and farmers. Kaya yun ang dahilan niyan, kaya sana huwag gamitin para sa iba kundi gamitin talaga sa kinauukulan at kung saan kinuha dun ibalik sa pamamagitan ng benepisyo. Kung coco levy funds ay ibibigay mo gagamitin mo sa iba yun ay isang pagnanakaw, yun ay pagkuha ng pera na hindi marapat gawin sapagkat yung perang yun ay intended for certain objectives. Sige yung coco levy funds ay for coco levy farmers and for the good of the coconut industry,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas.
Magugunitang nuong 2015 ay pinigil ng Korte Suprema ang implementasyon ng Executive Orders 179 at 180 na inisyu ng dating Pangulong Aquino na may kinalaman sa coconut levy fund.
Nabatid na 3.5 milyon hanggang 4.5 milyon ang mga magsasaka na napapabilang sa pinakamahihirap sa bansa.
Samantala, noong Abril taong kasalukuyan ay inialay ni Pope Francis ang kanyang prayer intention sa mga magsasakang sinasamantala ng mga kapitalista.