10,799 total views
Nanawagan ang Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) sa pamahalaan ng kagyat ng tulong para sa pampribadong sektor ng pag-aaral.
Tinukoy ng mga pribadong paaralan ang suliranin sa pagbaba ng bilang ng mga mag-aaral, paglipat ng mga guro sa mga pampublikong paaralan at pagkalugi.
Ayon kay Father Albert Delvo, chairperson ng COCOPEA at pangulo ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), ang pagpapalawak ng pamahalaan sa ibinibigay na subsidy sa mga pribadong paaralan ay lubhang kinakailangan upang patuloy na makapagbigay ng kalidad na edukasyon at makadiyos na paghuhubog sa mga estudyanteng mag-aaral sa pribadong sektor ng edukasyon.
“And so, gently and firmly we request the government to expand the government subsidy be expanded to learners studying in private education institutions, either basic education or tertiary,” panawagan ni Fr.Delvo sa administrasyong Marcos
Iginiit din ng Pari na napapanahon ang pinaigting na pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor ng edukasyon upang sama-samang matugunan ang mga suliranin na katulad ng education crisis sa Pilipinas.
Kaugnay sa hinaing ng private education sector sa pamahalaan ay iginagalang ni Fr.Delvo ang malayang pagpili ng mga magulang kung saan paaralin ang mga anak.
“First we Recognize the right of learners and parents to the education of the children and parents have the option to send the children either to the public schools or private educational institutions that’s the right,” ayon pa sa mensahe ni Fr.Delvo.
Sa tala ng Department of Education, sa mahigit 12-libong private education schools and institutions sa Pilipinas ay mahigit na sa 400 na paaralan ang nagsara simula noong taong 2020.
Lumabas naman sa pag-aaral ng Programme for International Student Assessment (PISA), pang-apat ang mga Pilipinong mag-aaral sa pinakamababang bilang na mayroong kakayahan at sapat na kaalaman sa ‘creative thinking’.