274 total views
Hinamon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mag-aaral na magsisipagtapos na maging misyonero ni Kristo.
Ito ay inihayag ng Kardinal sa Baccalaureatte Mass ng Lyceum University of the Philippines na ginanap sa Manila Cathedral.
Sinabi ni Cardinal Tagle na ang bawat pagtatapos ay hudyat ng pagsisimula ng panibagong yugto sa buhay at mahalagang magamit ng mga mag-aaral ang lahat ng kanilang natutunan, sa pagpapatuloy ng misyon ni Kristo.
Inihayag ng Kardinal na ang edukasyon ay hindi dapat ginagamit upang kumita ng salapi, dahil ang pagpapakadalubhasa ng mga mag-aaral sa iba’t-ibang kurso ay may malaking maitutulong sa misyon ng pagpapalaganap ng mabuting balita.
“The gift of tertiary education is for a mission. Ang edukasyon hindi lamang para kumite ng limpak-limpak at kahit na ano pa ang gawin para lang kumite, hindi. Ang edukasyon ay para sa misyon at naniniwala tayo na bawat isa sa inyo ay apostol ni Hesus na isinusugo niya.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Dagdag pa nito, sa pagiging misyonerong kristiyano ay masusumpungan ng tao ang tunay na kahulugan ng kan’yang buhay.
Sinabi ng Kardinal na ang kahulugan ng buhay ay nakabatay sa kung sino ang pinag-aalayan nito, at kapag walang pinag-aalayan ng buhay ay wala itong saysay at maaaring itapon lamang.
Umaasa ang Kardinal sa pamamagitan ng edukasyon at paghuhubog na pinagdaanan ng mga mag-aaral ay matatagpuan nito ang kahulugan ng kanilang buhay at ang pag-aalay nito sa paglilingkod sa Panginoon.
“Ang kahulugan ng buhay ay ang pinag-aalayan. Ang buhay, binigay sa atin para ialay, kapag wala kang makabuluhang pinag-aalayan ng buhay, patay ka na. and we hope that your education and formation have prepared you to know yourself better and see yourself where God put you.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.