201 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na makiisa sa ‘Heal our Land Sunday’– isang misa na itinakda sa ika-5 ng Nobyembre sa Edsa shrine alas-3 ng hapon.
Nilinaw ni CBCP President, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ito ay panalangin ng sambayan tungo sa pag-ako ng mga pagkukulang at ang pagbabago pabalik sa Panginoon.
“Walang kapayapaan kung wala ang Diyos; walang pag-unlad kung walang panalangin; at walang pangarap na matutupad kung hindi tayo magbabago ng buhay,” ayon kay Archbishop Villegas.
Nilinaw ng Arsobispo na ang pagtitipon ay hindi para sa kulay dilaw, pula o asul kundi isang kulay na malinaw, naa-aninag at busilak tulad ng tubig na konsensya para hingin ang awa ng Panginoon sa ating mga nagawang pagkakasala.
“Kayo pong lahat ay inaanyayahan ko na sumama sa pagdiriwang ng misa kasama ang mahal na birhen ng Fatima para sa paghihilom ng ating bayan. Nananawagan tayo na tigilan na ang patayan; nanawagan tayo na isulong ang paghilom ng bayan. At ang paghihilom ay hindi pagbubulag-bulagan. Ang paghihilom ay pagiging mulat sa nagnyayari sa kapaligiran at akuin natin ang ating kasalanan,Ang atin pong pagtitipon ay hindi dilaw, hindi pula, hindi asul, hindi kahit anong kulay. The color of November 5 is clarity, it is transparency, it is the purity of clear water. It is a transparency of the conscience that seeks pardon from the Lord. Hindi po tayo manggugulo. Huwag na po nating guluhin ang ating bayan, ang hilingin lang po natin ay Panginoon, maawa na po kayo sa Pilipinas at alam natin hindi tayo tatalikuran ng Panginoon.” bahagi ng mensahe ni Archbishop Villegas
Una na ring nagpalabas ng pastoral statement ang arsobispo para sa 40 araw na panalangin at pagpapatunog ng kampana para sa ‘stop the killings’ campaign at ngayon ang panawagan naman na panalangin para ‘start the healing’ campaign sa loob ng 33 araw na sisimulan sa November 5 sa Edsa shrine.
Mariin ding kinondena ng simbahang katolika ang laganap na pagpatay sa mga hinihinalang may kaugnayan sa ilegal na droga kaya’t isinulong ang profundis bell para ipanalangin ang mga namayapa higit lalu ang mga napatay dahil sa krimen at digmaan.
Umaabot sa higit 13,000 katao ang naitalang pinatay na may kaugnayan sa ilegal na droga, habang ayon sa Philippine National Police may higit sa 3,000 sa mga napatay ay bunga ng legitimong police operations.