381 total views
Nagsagawa ng prayer rally ang grupo ng mga maralitang tagalungsod sa harap ng tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) upang ipanalangin ang paninindigan ng ahensya sa tapat at malinis ng national at local elections sa darating na May 9, 2022.
Pinangunahan ito ni running priest Rev. Fr. Robert Reyes kasama ang Urban Poor Associates (UPA) at iba pang urban poor groups.
Layunin ng isinagawang prayer rally na ipanalangin ang paggabay ng Panginoon sa lahat ng mga kawani ng COMELEC at ipag-adya laban sa anumang uri ng tukso na makaapekto sa katapatan at karangalan ng nakatakdang halalan.
Ipinagdarasal ni Fr.Reyes na mapuno ng katapatan, katotohanan at dalisay na intensyon ang puso ng bawat kawani ng COMELEC sa pangangasiwa sa kabuuang proseso ng halalan sa bansa.
“To fill all Comelec commissioners and its staff with pure intentions, truth, and honesty. Please use us, the people, to guard the Comelec, this very sacred branch of the government that is expected to defend and preserve the ballots and the election process from voting in the precincts to counting votes,” panalangin ni Fr. Reyes.
Ibinahagi ni Fr. Reyes na ang prayer rally ay bilang tugon sa liham pastoral ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) tungkol sa Halalan 2022 na nananawagan sa bawat isa na manindigan sa pagsusulong ng katapatan at katotohanan sa nakatakdang halalan.
Tiwala naman ang Pari sa paninindigan, integridad at kredibilidad ng COMELEC na mapagtatagumpayan ang anumang uri ng tukso na dulot ng kasamaan.
Umaasa naman si Fr. Reyes na maging aktibo ang binuong inter-agency task force against vote-buying ng COMELEC upang ganap na masugpo ang talamak na vote-buying at vote-selling tuwing panahon ng halalan sa bansa.
“Our prayer rally affirms the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) pastoral letter for May 9 polls. The Church encourages us not to give up on our search and defense for truth. We believe that the Comelec will persevere in overcoming evil by goodness. We hope that the Comelec’s inter-agency task force against vote-buying will serve the common good,” dagdag pa ni Fr. Reyes.
Paliwanag ng Pari, kinakailangang maging mapagbantay ng bawat isa upang matiyak ang katapatan, kalinisan at katotohanan ng halalan na magtatakda sa kinabukasan ng bansa.
Batay sa Republic Act No. 7-1-6-6, mandato ng Commission on Election (COMELEC) ang pagtiyak sa pagkakaroon ng malinis, tapat at payapang eleksyon sa bansa malayo sa kaguluhan, dayaan at karahasan.