219 total views
Umaasa ang National Citizens Movement for Free Elections (Namfrel) na mas matutukan ng Commission on Elections ang iba’t ibang aspekto sa paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa susunod na taon.
Iginiit ni Eric Alvia – tagapagsalita ng NAMFREL dahil sa pagpapaliban ng halalang pambarangay ngayong taon ay magkakaroon ng sapat na panahon ang COMELEC upang paigtingin ang paghikayat sa mas maraming kabataan at hindi pa rehistrado na magparehistro.
Pinayuhan din Alvia ang COMELEC na ipalaganap ang voter’s education na magbibigay kaalaman sa mga mamamayan sa mahalagang tungkuling ng mga opisyal ng Baranggay at mahikayat ang lahat na makiisa sa mga aktibidad sa kanilang pamayanan.
“Sustained effort, give it probably 6-months to 1-year makukuha nila yun, so taasan nila yung registration pangalawa itong voter’s education ano ba talaga yung role ng mga barangay at SK officials dapat malinaw yun sa mga bumuboto, pangatlo syempre yung participation ng mga kabataan imposed the citizen in Barangay affairs kasi lagi tayong nakatuon dun sa National Government…” pahayag ni Alvia sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Alvia na hindi maaring i-pospone o ipagpaliban ang Baranggay at Sanguniang Kabataan Elections ng walang ipinapasang batas kung saan kasalukuyang pa rin ang mga isinasagawang pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado na ipagpaliban ito.
Giit ni Alvia, dapat na magkaroon ng masusing pagsusuri ang mga mambabatas sa mga mahahalagang aspekto na kailangang bigyang pansin sa pagpapaliban ng halalan partikular na sa magiging liderato ng bawat baranagay sa bansa.
“hindi mo pwedeng ipospone yung eleksyon ng wala kang batas, sigurado na yan na ipo-pospone yung elections pero yun nga yung mechanics nun like for instance there are certain points that have to be clarified like do you consider all of the incumbent Barangay Officials considered resign from office or elective pa depending on their performance, yun yung pinag-uusapan dun sa house version…” dagdag pa ni Eric Alvia.
Samantala, matapos ang dalawang linggong muling pagbubukas ng registration, tinataya ng Commission on Elections na umabot sa 2-milyon ang mga nagparehistro para sa halalang pambarangay na nakatakda dapat sa ika-31 ng Oktubre.
Sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB) tinatayang umaabot sa 42,027 ang kabuuang bilang ng mga barangay sa Pilipinas.
Kaugnay nito, naninindigan naman ang CBCP na ang pagboto ay isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.