426 total views
Kinilala ng Clergy for the Moral Choice ang mahalagang papel na ginagampanan ng Commission on Elections (COMELEC) para sa kinabukasan ng bansa.
Ayon kay running priest Rev. Fr. Robert Reyes, mahalaga ang katapatan ng mga kawani ng COMELEC sa pagganap sa mandato na pangasiwaan ang kabuuang proseso ng nakatakdang National and Local Elections sa May 9, 2022.
Umaasa si Fr. Reyes na ang katapatan ng mga kawani ng COMELEC ay para sa bayan at taumbayan,at hindi sa sinumang nagtalaga sa kanila sa katungkulan.
Iginiit ng Pari na hindi dapat na magkaroon ng bahid ng pagkiling ang COMELEC sa sinumang kandidato at partido.
“Napakahalaga po ng papel ninyo at napakahalagang ipaalala sa inyo, dapat po kayo ang tinitingnan ninyo ay ang inyong mga kababayan, ang bansang Pilipinas, ang kinabukasan ng bansang ito, huwag kung sino ang nag-appoint sa inyo. Kasi lahat sila appointed na kaya kanino ang loyalty ninyo sa appointing authority o sa taumbayan? Makikita namin ito, makikita namin at kapag may nangyari na nagkaroon ng bahid ng pagkiling hindi sa taumbayan kundi sa mga makapangyarihan na naglagay sa kanila diyan [sa posisyon] kami ay magagalit.” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Robert Reyes sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyan diin ni Fr. Reyes na dapat na sa Panginoon at taumbayan ang kiling at katapatan ng kawani ng mga organisasyon at mga grupo na mangangasiwa sa kabuuang proseso ng halalan at manindigan sa anumang dayaan, kamalian o kasinungalingan.
Ayon sa Pari, tuwinang nakabantay ang taumbayan, ang Clergy for the Moral Choice at maging ang Panginoon sa COMELEC na isang mahalagang institusyon para sa pagpapanatili at pagsusulong ng demokrasya ng bansa.
“Hindi namin sinasabi na mandadaya kayo, may gagawin kayong mali pero mas madaling gumawa ng mali kapag ang kiling niyo hindi sa taumbayan at lalong lalo na hindi sa Diyos, kaya yun ang binitiwan namin hamon sa kanila God is watching us, God is watching you and we are watching you the Clergy for the Moral Choice. Kaya ang problema sa atin pinababayaan natin itong institusyon na ito pero napakahalaga ng institusyon na ito kasi they make and break democracy, they make and break good candidates.” Dagdag pa ni Fr. Reyes.
Ang Clergy for the Moral Choice (CMC) na una ng nagpahayag ng suporta para sa kandidatura nina Vice President Leni Robredo at Senator Francis “Kiko” Pangilinan para sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo ay binubuo ng may 1,400 na mga pari, Obispo, relihiyoso, relihiyosa at mga deacons na naninindigan para sa katotohanan at para sa kapakanan ng bayan para sa nakatakdang halalan.(reyn)