184 total views
Nagpahayag ng pangamba si Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director of Institute for Political and Electoral Reform kaugnay sa atrasadong paghahanda ng Commission on Elections para sa May 9 National at Local elections.
Ipinaliwanag ni Casiple na limitado na ang adjustment period para kumisyon kaya’t nararapat na itong maging tiyak at partikular sa mga hakbang upang hindi na kailangan pang i-adjust ang paghahanda sa nakatakdang halalang pambansa.
“Ang mangangamba ka yung susunod pa kasi habang papalapit yung eleksyon syempre yung adjustment period lumiliit yan, ang isang tingin kong mangyayari kung may malaki talaga na problemang lumitaw na kailangan ka talagang magdelay ng araw,mamomroblema na yung COMELEC unless yung nature nung problem yun bang hindi mo na kailangan ng baguhin yung oras, pwede mong ma-resolve by damihan yung tao”.pahayag ni Casiple
Dahil dito, iginiit ni Casiple na dapat ng tiyakin ng COMELEC na hindi na muli magkaka-aberya dahil sa nagamit na ang reserbang oras at malaki na ang tyansang tuluyang magahol sa paghahanda ang kumisyon.
Nabatid na kakailanganin ng 80 hanggang 90-araw upang matapos ang pag-iimprenta sa higit 54 na milyong balotang gagamitin sa nakatakdang halalan kung saan batay sa pinakahuling tala ng Commission on Election, umaabot na sa 54.6 na milyon ang rehistradong botante na nakapagpatala para sa susunod na eleksyon bukod pa sa 1.3 milyong Overseas absentee voters.
Samantala, pinangangambahan namang kung masira ang isa sa tatlong machines ng National Printing Office (NPO) na ginagamit ng COMELEC sa pag-imprenta ng 54 na milyong balota ay inaasahang 33-porsyento ang maapektuhan sa kabuuang produksyon ng kumisyon.
Batay sa Republic Act No. 7166, mandato ng Commission on Election ang pagkakaroon ng malinis, tapat at payapang eleksyon sa bansa malayo sa kaguluhan at karahasan.
Naninindigan naman ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ang halalan at pagboto ng bawat mamamayang Filipino ay isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.