4,324 total views
Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa paggamit ng digital banking o e-wallet sa vote buying at vote selling para sa papalapit na halalang pambarangay.
Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudianco, batid ng ahensya ang posibilidad ng digital vote buying kaya higit na pinalawig ng COMELEC sa pamamagitan ng Committee on KontraBigay ang pakikipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money Laundering Council.
Inihayag din ni Laudianco sa kanyang panayam sa programang Veritas Pilipinas ang pakikipagtulungan ng COMELEC sa mga nangangasiwa sa mga pangunahing e-wallet sa bansa na G-Cash at PayMaya upang makapaglatag ng naangkop na hakbang kaugnay sa posibilidad ng digital vote buying sa papalapit na halalang pambarangay.
“Alam naman po natin na ang pamimigay ng pera ay hindi na lamang sa pisikal pwede na din pong gamitin ang e-wallet o mga digital banking kaya nga po kasama namin sa Committee on KontraBigay yun pong ating Bangko Sentral ng Pilipinas at ang Anti-Money Laundering Council. Kausap na din po namin siguro banggitin ko na po dito ang Globe po sa kanilang G-Cash pati na rin po ang PayMaya.” Ang bahagi ng pahayag ni Laudianco sa Radio Veritas.
Nilinaw ni Laudianco na sakaling may mapansing kahina-hinalang transaksyon sa naturang mga e-wallet o digital bank tulad ng tinatawag na ‘multiple suspicious transaction’ o paulit-ulit na pagpapadala ng pare-parehong halaga ng pera sa isang lugar ay maaring ipa-subpoena ng COMELEC ang mga digital records ng mga ito upang maimbestigahan at mapanagot kaugnay ng vote buying at vote selling sa halalang pambarangay.
“Alam naman po natin na itong mga platforms na ito ay registered yung mga sender, registered din yung mga recipient kaya kapag po ginamit nila yang mga yan sa pagbenta at pagbili ng boto, kumpleto po ang kanilang digital records pwedeng i-subpeana ng COMELEC po ang mga records na yan. Ang natawag nga po nila diyan ay multiple suspicious transaction kung saan sa isang lugar paulit-ulit halos pare-parehong halaga ng pera at doon sa isang barangay ay napakaraming pinadadalhan na ganyan na mga pera, yan po yung tinututukan natin ngayon.” Dagdag pa ni Laudianco.
Pagbabahagi ng tagapagsalita ng COMELEC, agad na ipadadala ng ahensya ang mga digital records ng mga kahina-hinalang transaksyon sa Philipine National Police at National Bureau of Investigation upang maimbestigahan at mapanagot ang mga patuloy na lumalabag sa vote buying at vote selling na pangunahing election offense sa ilalim ng Omnibus Election Code.
“Kung inaakala nila na mas anonymous yung pagpapadala sa pamamagitan ng G-Cash mas mali po kayo dahil kumpleto po ang digital records ng platforms na yan at kayang-kaya po i-subpoena ng COMELEC at ebidensya po yan ng pamimili ng boto kkung ito’y mako-collect namin po sa ganitong mga bagay.” babala ni Laudianco
Ayon sa tala ng COMELEC, umabot ng 1,226 na mga reklamo ng vote buying ang natanggap ng ahensya noong nakalipas na eleksyong 2022 kung saan bilang tugon ay itinatatag ang bagong Committee on KontraBigay.
Sa bisa ng COMELEC Resolution No. 10946 itinatag at binigyang kapangyarihan ng COMELEC ang Committee on KontraBigay para tutukan ang vote buying at vote selling tuwing halalan sa pamamagitan ng paglalatag at pagpapatupad ng isang maasahan at epektibong sistema ng pag-uulat, pag-iimbestiga, at pag-uusig ng pagbili at pagbenta ng boto bilang pangunahing Election Offense sa ilalim ng Omnibus Election Code na may parusa ng pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, habang maari ding madisqualify ang isang pulitiko mula sa public office at maaring mawalan ng karapatan na bumoto.
Suportado ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang bagong tatag na Committee against Vote-Buying and Vote Selling upang tuluyan ng mawakasan ang talamak na bilihan at bentahan ng boto tuwing panahon ng halalan sa bansa.