651 total views
Umaasa ang Commission on Elections (COMELEC) sa tulong at patuloy na pakikibahagi ng Simbahang Katolika sa kampanya upang makahikayat pa ng mamamayan at kabataan na magparehistro sa kasalukuyang voters’ registration.
Ayon kay COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, hindi na palalawigin pa ng ahensya ang nakatakdang deadline ng voters registration sa ika-30 ng Setyembre ng kasalukuyang taon. Dahil dito, umaasa ang opisyal na makahikayat pa ng mas maraming mga registrants bago ang nakatakdang deadline ng ahensya.
“September 30 is the deadline for registration we won’t have extensions and I hope really that the Catholic Church will be able to help us generate more registrants before September 30.” pahayag ni Guanzon.
Sa naganap na Social Action Network (SAN) Good Governance Webinar series on Voter’s Registration noong nakalipas na buwan ay unang ibinahagi ni Commissioner Guanzon ang pagpapasalamat ng COMELEC sa partisipasyon ng Simbahan partikular na ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa pagtiyak ng kaayusan at katapatan tuwing panahon ng halalan sa bansa.
Pagbabahagi ni Guanzon, batid ng COMELEC ang pagsusumikap at determinasyon ng PPCRV upang matiyak ang pagkakaroon ng malinis at maayos na halalan sa Pilipinas.
Umaasa naman si Guanzon na higit pang dumami ang mga mag-volunteers ng PPCRV at maging ng Social Action Center ng iba’t ibang diyosesis upang magsilbing katuwang ng COMELEC sa pagtiyak ng kaayusan at kapayapaan sa bansa lalo na sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
“Thank you to PPCRV, Commission on Elections is always grateful for your tireless effort every campaign period and election and I saw how you work there in your headquarters and that’s amazing I saw the auditing returns, I saw them encoding, I mean amazing, I think PPCRV is doing amazing work. I just hope that more, more of our countrymen and countrywomen would volunteer in PPCRV and Social Action Centers.” Dagdag pa ni Commissioner Guanzon.
Una ng binigyang diin ni PPCRV Chairperson Ms. Myla Villanueva na sa kabila ng krisis na dulot ng pandemya ay kinakailangan pa ring maisulong ang C.H.A.M.P Elections sa bansa o ang pagtiyak sa Clean, Honest, Accurate, Meaningful, and Peaceful Elections sa darating na 2022.