290 total views
Umapela ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa Commission on Elections (COMELEC) na ipaliwanag sa publiko ang mga naging aberya sa nagdaang halalan upang mapanatili ang integridad at mawala ang pagdududa ng taumbayan sa kumisyon at sa resulta ng eleksyon.
Iginiit ni Marita Wasan –Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na dapat maayos na maipaliwanag ng COMELEC ang mga naganap na aberya partikular na ang mahigit sa pitong oras na pagkaantala ng paglabas ng resulta ng halalan mula sa Transparency Server patungo sa iba’t ibang media outlets at maging sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting.
inihayag ni Wasan na dapat linawin ng COMELEC kung bakit naunang naipadala ang mga resulta ng halalan sa lokal na pamahalaan kung saan agad na nakapagproklama ang mga City Board of Canvassers sa iba’t ibang mga lalawigan bagamat magkakasama lamang sa balota ang boto ng mga botante.
“Malaking paliwanag dapat ang gawin ng COMELEC dahil talagang integridad nila ang nakataya ngayon kasi nakakapagtaka yung mga pangyayari bakit pantay yung graph ng pagpapadala ng mga resulta sa national, bakit naunang naiproklama ang mga local official, gayung ang mga bomoto ay ibinoto rin ang nasa national, malaking pagdududa ang dulot nito…” pahayag ni Wasan sa panayam sa Radyo Veritas.
Hinimok rin ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas mamamayan na maging mapagbantay at maging alisto sa katapatan ng naganap na halalan.
“Inaasahan ko na ang mga layko ay maging vigilant para maipaliwanag na mabuti ng COMELEC ang dahilan ng malaking kontrobersiya na ito, inaasahan namin na yung kontrobersiya ay maipapaliwanag mabuti…” pahayag ni Wasan.
lumikha ng kalituhan at pagdududa sa resulta ng halalan ang mahigit pitong oras na pagkaantala ng pagpasok ng mga datos mula sa COMELEC Transparency Server kung saan makikita ang unofficial electronically transmitted result ng eleksyon, bukod pa dito ang mga naitalang aberya sa mismong mga Vote Counting Machines at SD Card ng mga makinarya.
Ayon sa Department of Education na batay sa ulat ng mga guro na naglingkod noong araw ng halalan bilang mga Board of Election Inspectors ay umabot sa 1,333 ang bilang ng mga malfunctioning vote counting machines na mas mataas kumpara sa naunang inihayag ng COMELEC na 400 hanggang 600 vote counting machines.