439 total views
Umaasa si Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez – Chairman ng Ecumenical Bishops Forum na masusing napag-aralan ng pamahalaan ang mga karapat-dapat na pagkalooban ng Executive Clemency ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Obispo, bukod sa usaping legal ay nararapat ring isaalang-alang ang kapakanan at kabutihan ng lahat sa mga mahahalagang desisyon ng pamahalaan tulad ng paggagawad ng clemency sa mga bilanggo.
Bukod dito umaasa rin si Bishop Iniguez na tunay na bukas sa pagbabagong buhay ang mga magagawaran ng Executive Clemency na isang pambihirang pagkakataon upang muling makapagsimula sa kanilang buhay sa labas ng piitan.
“Sapagkat ito ay ipinagkakaloob ng batas sa ating Pangulo, sana magamit niya ito para sa kapakanan ng sambayanan kaya yung kung sino yung mga bibigyan niya ng Clemency dapat napag-aralan niya at dapat ay talagang mga bukas at karapat-dapat sa pagtanggap ng clemency na ito hindi yung magbibigay para lamang o dun sa ibang ibig paboran kundi ito’y isaalang alang talaga ang kapakanan ng lahat, ang common good…” pahayag ni Bishop Iniguez sa panayam sa Radyo Veritas.
Unang kinumpirma ng Department of Justice ang pagpapalaya sa may 127-inmates ngayong linggo sa pamamagitan ng pagbibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Clemency partikular na sa mga nasa higit 80-taong gulang na mga bilanggo at mga nakapag-silbi na ng 40-taon sa kanilang sintensya.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang bilanguan ang dapat na magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga naligaw ng landas sa lipunan at nararapat na maging daan sa muling pagbabalik ng kabutihan sa puso at isip ng mga nagkasala.
Unang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na bukod sa parusang kamatayan, hindi rin ito sang-ayon sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa kaniya ay labag sa dignidad ng tao at pagkakaroon ng pangalawang pagkakataon na makapagbagong-buhay.