466 total views
Inaanyayahan ng Lipa Archdiocesan Council of the Laity ang mananampalataya na makibahagi sa nakatakdang Dasalan sa Batangan: Kaliwanagan sa Halalan kung saan isang communal prayer rally ang isasagawa bilang paghahanda sa nakatakdang halalan sa bansa.
Pangungunahan ang gawain ng Sangguniang Laiko ng Arkidiyosesis ng Lipa na naglalayong hilingin ang paggabay ng Espiritu Santo para sa matalinong pagpili ng sambayanang Filipino sa mga bagong mamumuno sa bansa.
“Sa darating na ika-21 ng Marso sa ganap na ika-isa ng hapon, malugod po namin kayong inaanyayahan sa gaganaping Dasalan sa Batangan para sa Kaliwanagan sa darating na Halalan.” Bahagi ng paanyaya ng Sangguniang Laiko ng Arkidiyosesis ng Lipa.
Ayon sa Lipa Archdiocesan Council of the Laity sa pangunguna ng pangulong si Maria Elizabeth Quinto, nasasaad sa Aral ng Batangueño at Second Plenary Council of the Philippines (PCP 2) na tungkulin ng mga layko na tumulong sa paggabay at pagtuturo sa kanyang kapwa na maging mapanuri at wastong makapili ng mga karapat-dapat na lider.
“Kami ang Sangguniang Laiko ng Arkidiyosesis ng Lipa na naghahangad ng malinis, tapat at mapayapang halalan ay humihingi ng gabay ng Espiritu Santo para sa aming napupusuang mamumuno ng ating bayan.Ayon na rin sa PCP2 kami palang mga layko na hinubog sa Salita ng Diyos ay may katungkulan na maggabay at tumulong upang turuan ang aming mga kapwa na magkaroon ng tama at wastong pagpili para sa mga mamumuno sa aming bayan.” Dagdag pa ng Sangguniang Laiko ng Arkidiyosesis ng Lipa.
Nakatakda ang Dasalan sa Batangan para sa Kaliwanagan sa darating na Halalan sa ika-21 ng Marso mula ala-una hanggang alas-kwatro ng hapon na gagawin sa National Shrine of St. Padre Pio, Sto. Tomas Batangas.
Inaasahan naman ang pagdalo sa pagtitipon ni Presidential aspirant Vice President Leni Robredo na una ng inendorso ng Lipa Archdiocesan Council of the Laity matapos ang isinagawang process of discernment ng mga opisyal at kasaping layko ng arkidiyosesis na kinabibilangan ng mga serye ng pagpupulong, talakayan at konsultasyon.
Nasa 30,000 mga Rosaryong kulay rosas at prayer cards ang ipamamahagi sa mga dadalo sa gawain kung saan kabilang ang pananalangin ng Santo Rosaryo sa mga nakahanay na aktibidad sa gagawing Dasalan sa Batangan: Kaliwanagan sa Halalan.